ni Bert de Guzman
Bawal sa mga pribadong kompanya, partikular ang pharmaceutical firms, na ibenta ang mga bakuna na kanilang nabili para magtubo sa negosyo sa panahon ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Quirino Rep. Junie Cua na sa pinagtibay na COVID- 19 vaccination program bill, ipinagbabawal na ipagbili ang mga ito ng mga pribadong negosyo sa panahon ng krisis.
Ayon kay Cua, isa sa pangunahing may-akda at nagtaguyod sa House Bill 8648, pinahihintulutan lang ang mga pribadong kompanya na bumili ng bakuna para gamitin ng kanilang mga empleyado.
“Sa ngayon there is an abnormal supply situation. So kung sila (private entities) ay bibili, kailangan para sa kanila lang muna at hindi pa puwedeng ibenta sa iba.”
Ang HB 8648 (COVID-19 Vaccination Program Act of 2021) ay inakda nina Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, Minority Leader Joseph Stephen Paduano at Cua.
Nauna nang sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala bilang urgent kaya maaaring aprubahan ng Kamara ito sa pangalawa at pangatlong pagbasa sa isang araw lang.