ni Marivic Awitan
MAGBABALIK aksiyon na ang Philippine Superliga (PSL) sa darating na Biyernes sa pagbubukas ng kanilang 2021 Gatorade-Beach Volleyball Challenge Cup sa sand courts ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
May kabuuang walong koponan kabilang na ang guest team na Kennedy Solar Energy- PetroGazz ang nakatakdang maglaban-laban sa unang volleyball tournament na idaraos sa bansa sa panahon ng pandemya.
Isasabak ng Kennedy Solar Energy-PetroGazz ang tandem nina Ariane Luna Alarcon at Christina Canares. Makakatunggali nila ang itinalagang team to beat na Sta. Lucia duo nina Bang Pineda at Jonah Sabete gayundin nina DM Demontano at Jackie Estoquia.
Nariyan din ang F2 Logistics pair nina Jenny Mar Senares at Kyla Angela San Diego at Cherry Tiggo- United Auctioneers Inc. tandem nina Ella Viray at Theresa Ramas.
Ang iba pang mga kalahok ay ang tambalan nina Alexa Polidario at Erjan Magdato ng Abanse Negrense 1, Jennifer Cosas at Gelimae Villanueva ng Abanse Negrense 2 at sina Jonah San Pedro at Javen Sabas ng Toby’s Sports.
Ayon kay PSL chairman Philip Ella Juico, lahat ng mga kalahok ay kinakailangang nasa SBMA bago ang Pebrero 24 dahil kinakailangan nilang sumailalim sa swab tests at quarantine. “We want to thank the teams, especially our guest team PetroGazz, for helping us restart our beach volleyball tournament using a bubble setup,” ani Juico na kasalukuyan ding pangulo ng Philippine Athletics Track and Field Association.
“We also want to thank the IATF Region 3 and the SBMA for supporting us and making sure that our delegates, especially the athletes, will be safe from contracting coronavirus disease.”
“By becoming the first volleyball league to restart its season in the coronavirus era, we have a very big responsibility to our players, coaches, team owners, the media and other stakeholders. But rest assured that we will do everything to observe all the necessary health and safety protocols in accordance to the policies of the IATF, the SBMA and the Department of Health.”