ni Mary Ann Santiago
Isang tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dinukot ng mga armadong lalaki habang lulan ng kanyang nakaparadang behikulo sa Binondo, Maynila, nitong Huwebes ng hapon.
Mismong si MPD Director Brig. Gen. Leo Francisco ang kumumpirma sa pagdukot kay Corporal Allan Hilario, nasa hustong gulang, at nakatalaga sa police assistance desk sa Meisic Police Station 11 (PS-11).
Aniya, nagreklamo ang pamilya ni Hilario hinggil sa insidente kaya’t kaagad itong inimbestigahan.
Sa ulat ng San Nicolas Police Community Precinct (PCP) na sakop ng MPD-PS-11, dinukot ng mga hindi nakikilalang lalaki ang biktima sa panulukan ng San Fernando St. at Sto. Cristo Street sa Binondo, dakong 2:05 ng hapon.
Nauna rito, nakaparada umano ang kotse ni Hilario, sa Sto. Cristo, nang biglang dumating ang mga suspek na lulan ng kulay puting Isuzu Crosswind (XYF -188) at kulay maroon na Honda City (NCV -9054).
Sa salaysay ng tatlong testigo, tinutukan umano ng mga suspek, na tinatayang nasa higit sa limang lalaki, ng matataas na kalibre ng baril ang biktima kaya’t wala na itong nagawa nang pababain siya ng kanyang sasakyan at kinaladkad.
Sapilitang isinakay ang biktima sa get-away vehicle ng mga suspek bago tuluyang humarurot patungo sa direksiyon ng Jaboneros St. sa Binondo.