Ni MARY ANN SANTIAGO
Inaasahan ng Manila Electric Company (Meralco) na magkakaroon ng pagbaba ng singil ng kuryente ngayong Pebrero.
Ito ang tiniyak ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga at sinabing sa mga susunod na araw ay ipatutupad ang bagong power rate.
“We’re expecting a reduction in rates this February. We’ll announce it soon,” ayon kay Zaldarriaga.
Kaugnay naman sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag munang putulan ng kuryente ang mga low-income consumers na hindi naman lumalagpas sa 100 kilowatt-hours ang konsumo, sinabi ni Zaldarriaga na ito ay yaong mga consumer na nasa P1,000 pababa ang bill.
Samantala, ang mga customer aniya na higit 100 kilowatt-hours ang konsumo at hindi pa rin nakababayad ay makatatanggap na ng disconnection notice.
Gayunman, maaari naman aniya itong hanapan ng paraan at kausapin ang Meralco.
Umapela rin siya na huwag nang paabutin ng matagal ang pagbabayad dahil higit lamang aniya silang mahihirapang bayaran ito.
“We’re taking it on a case-to-case basis. ‘Wag na po natin paabutin sa disconnection pa na kausapin kami,” ani Zaldarriaga. “Walang ibang kailangan gawin kundi kausapin kami... Huwag ho natin paabutin ng masyadong mahabang panahon kasi medyo mahirap i-settle at a one-time basis,” dagdag pa nito