ni Mary Ann Santiago
Pinag-aaralan na ng Manila City government ang pagkakaloob ng libreng coronavirus disease (COVID-19) test para sa mga estudyanteng dadalo ng face-to-face classes.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang lungsod ay mayroong tatlong RT-PCR machines at dalawang laboratoryo, na kayang mag-handle ng demand para sa swab test.
Aniya, maaari silang mag-alok ng regular na pagsusuri para magkaroon ng kapanatagan ng loob ang lahat.
Libre rin lamang aniya nila itong ipagkakaloob upang hindi na makadagdag pa sa gastusin ng mga mag-aaral.
Kamakailan, inaprubahan ng lokal na pamahalaan ang panukala ng University of Santo Tomas (UST) na magdaos ng limitadong face-to-face classes para sa kanilang medical at allied health programs.
Kamakailan lamang, inaprubahan na rin ang limitadong face-to-face classes sa University of the Philippines-Manila, Our Lady of Fatima University-Valenzuela, at Ateneo de Manila University.