NAGPASA ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas na sumusuporta sa inihaing panukala ni Senate President Vicente Sotto III noong Enero 4, 2021 sa Senado upang mabigyang muli ng prangkisa ang ABS-CBN Corporation.
Ang SP resolution, na inisponsor ni 6th District Board Member Bibong Mendoza, ay tinalakay at naipasa sa kauna-unahang regular session ng panlalawigang sanggunian para sa taong 2021 noong ika-11 ng Enero 2021, na pinangunahan ni Vice Gov. Mark Leviste.
Nabanggit ni Senator Sotto na, ayon sa isang SWS survey noong 2019, ang telebisyon ang nananatiling nangunguna sa mapagkukunan ng balita ng 69% ng mga PiIipino o humigit kumulang na 45 na milyong indibidwa.
Kapansin-pansin din, aniya, na pinapalitan ng mga TV stations ang kanilang news programs ng anime o cartoon dahil wala naman silang kakumpitensya sa naturang larangan, katulad ng ABS-CBN.
Sa kanyang resolusyon, binigyang-diin ni Bokal Mendoza na, bagaman at ito ay maituturing na national issue, nagkaroon ng malawakang epekto ang pagsasara ng ABS-CBN sa Lalawigan ng Batangas at buong rehiyon ng Southern Tagalog.
Malaking bagay din aniya na, sa lahat ng mga TV networks sa bansa, ang nasabing istasyon lamang ang mayroong mga provincial at regional channels, na nagtatampok sa mga balita at isyu sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Partikular dito ang ABS-CBN Southern Tagalog, na nakabase dito sa lalawigan.
Dagdag pa ni Mendoza, makabuluhan ang mga naging kontribusyon ng istasyon, mula sa paghahatid ng tulong sa nangangailangan sa Batangas sa pamamagitan ng mga iba’t ibang adbokasiya nito, tulad noong nag-alburuto ang Bulkang Taal at sa kasalukuyang pandemyang dulot ng COVID-19.
Ang mga Batangueño aniya ay umaasa rin sa mga ulat mula sa mainstream and traditional media, bukod sa pagiging mulat at laging nakatutuk online.
-Mercy Lejarde