MULING nagsagawa ng operasyon ang Games and Amusements Board (GAB) Anti- Illegal Gambling Division na nagresulta sa pagkalansag ng illegal horse-racing bookies at pagkararesto ng dalawang personnel nitong Sabado sa Manila.
Sa pangunguna ni GAB-AIGD head Glenn Pe at pakikipagtulungan ng Manila Police Department-DPIOU, sa pamumununo ni Police Capt. Jervies Soriano at nasa pangangasiwa ni Police Lt. Col. Levi Hope Basilio, sinalakay ang illegal bookies sa panulukan ng Penalosa St. sa Tondo.
Naaktuhan ang mga suspect sa illegal na bookies na sina Mary Rose De Vera, 27, at Norman Bautista, 28. Inihahanda ang kaukulang kaso laban sa dalawa.
Nakumpiska sa kanila ang iba’t ibang paraphernalia tulad ng TV monitor, programa ng karera, at mga pataya.
Pinasalamatan ni Pe ang pamunuan ng MPD sa patuloy na pagsuporta sa programa ng GAB na sugpuin ang illegal bookies, higit at nasa ilalim ng quarantine ang karamihan sa mga lugar sa bansa.
Bukod sa buwis na nawawala sa pamahalaan dahil sa illegal na bookies, tahasang nalalabag ang ‘safety and health’ protocol ng mamamayan dahil sa nagyayaring umpukan dito.
Nagsasagawa ang GAB ng pakikipag-ugnayan sa lahat ng horse-racing club sa bansa upang mapalakas na online services para sa maayos na pakikilahok ng bayang karerista na hindi kailangang pang lumabas sa kanilang mga tahanan.
“Makakaasa po ang bayang karerista na ginagawa po ng pamunuan ng GAB, sa pangunguna ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioner Ed Trinidad at Mar Masanguid na mapalakas ang industriya ng karera at matulungan ang sector na mapanatili ang kanilang kalusugan sa gitna nang paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic,” pahayag ni Pe.