Namangha at nagwala ang mga Pilipino matapos magpaabot ng pagbati ang Wimbledon kay Filipina tennis sensation Alex Eala matapos niyang maitala ang isa na namang makasaysayang panalo sa prestihiyosong Grand Slam tournament, gamit ang wikang Filipino.
Sa kanilang social media post nitong Linggo, Hulyo 5, mababasa ang pagbati nila na nasa pambansang wika ng Pilipinas; na bihirang mangyari, at naganap na nga dahil sa panalo ni Eala.
"Isang araw na hinding hindi mawawala sa kasaysayan! Buo ang suporta ng Pilipinas sa’yo, Alex Eala!" mababasa sa kanilang post, kalakip ang larawan ng Filipina tennis player superstar.
Photo courtesy: Wimbledon (FB)
Ang mensahe ay inilabas matapos gulatin ni Eala ang mundo ng tennis sa pamamagitan ng pagwawagi laban sa defending champion at dating world No. 1 na si Iga Swiatek ng Poland sa ikatlong round ng Wimbledon noong Sabado, Hulyo 4.
Sa laban na ginanap sa tanyag na Centre Court, nanaig ang 21-anyos na Pinay sa iskor na 7(11)-6(9), 6-2 upang makausad sa Round of 16 ng torneo.
Dahil sa panalong ito, naitala ni Eala ang pinakamalalim na pag-abante ng isang Pilipino sa kasaysayan ng Wimbledon at ang pinakamagandang performance niya sa isang Grand Slam tournament.
Matapos ang mahigit dalawang oras na bakbakan, hindi maitago ni Eala ang kanyang saya at pasasalamat sa pagkakataong makaharap ang isa sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo.
“I don't know how to describe it. I mean, I've been to the second week of a slam and it's amazing for me. Iga is a phenomenal player and a really nice person,” ani Eala matapos ang laban.
Dagdag pa niya, “So I'm really grateful to be able to share Center Court with her at Wimbledon nonetheless.”
Naging mahigpit ang unang set kung saan nakabangon si Swiatek mula sa pagkakaiwan at naitulak ang laro sa isang matinding tiebreak. Gayunman, nanatiling kalmado si Eala at nakuha ang mahalagang unang set matapos ang mahabang palitan ng puntos.
Mas naging dominante naman ang laro ng Filipina sa ikalawang set nang agad siyang makapagtayo ng 4-0 kalamangan. Bagama't nakakuha pa ng dalawang laro si Swiatek, hindi na nito nabuwag ang momentum ni Eala na tuluyang nagtapos sa laban sa loob ng dalawang oras at 15 minuto.
Hindi rin ito ang unang pagkakataong tinalo ni Eala ang Polish star. Matatandaang nanaig din siya laban kay Swiatek noong 2025 Miami Open, isang panalo na nagbigay sa kanya ng internasyonal na pagkilala.
Maki-Balita: Alex Eala, rumatsada sa Wimbledon; pinabagsak defending champion!
Dahil sa panibagong tagumpay na ito, lalo pang tumindi ang suporta ng mga Pilipino kay Eala, habang patuloy niyang binubuksan ang mga bagong pahina sa kasaysayan ng Philippine tennis sa pinakamalalaking entablado ng mundo.
Samantala, nagkagulo at nagbunyi naman ang Pinoy netizens sa comment section ng post.
"Level up! Dati tayo ang nag-a-adjust sa English, ngayon Wimbledon na ang nag-a-adjust sa Tagalog."
"Wow, Wimbledon. You understand culture and diversity."
"Filipino invasion in Wimbledon. Salamat kabayan Alex."
"Iba ka rin Wimby, Tagalog talaga.. hahaha"
"Paldo si Wimbledon sa likes and comment! Iba talaga ang Pinoy fans!"
Samantala, personal na ring nagpaabot ng pagbati kay Eala si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at sinabing nakasuporta ang pamahalaan sa kaniya.
“It was a great result, great result, congratulations, Alex. Keep it up. We’re all be here. The whole Filipino nation is cheering you on," anang Pangulo.
“Keep going, keep going, keep going, we are behind you," saad pa niya.
Maki-Balita: 'Keep going, we are behind you!' PBBM proud kay Alex Eala
Si Sen. Ping Lacson naman, inilarawan ni Eala bilang "detoxifier" at "unifier" ng Pilipinas.
"She is the detoxifier that our country’s highly toxic atmosphere needs and an influential unifier of a deeply divided nation. Thank you Alex Eala for lifting the Filipino spirit. God bless you and the Philippines,” anang senador.
Maki-Balita: Alex Eala, 'detoxifier at unifier' ng Pinas!—Sen. Ping