PATULOY ang operasyon ng Games and Amusements Board (GAB) Anti-Illegal Gambling Division para masawata ang pagbabalik ng illegal ‘bookies’ sa horseracing sa panahong aprubado na ang pagbubukas ng industriya na malapit sa masang Pinoy.
Sa pangunguna ni GAB-AIGD Chief Glenn Pe, at sa koordinasyon sa Manila Police Department-District Intelligence Division (MPD-DID), nagsagawa ng joint anti-gambling operation sa Kalimbas St. Sta. Cruz, Manila nitong Nobyembre 8 na nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong suspect na nagmamantina ng illegal bookies.
Dinakip at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso na paglabag sa PD 1602 na naamyendahan ng RA 9287 (Illegal horseracing bookies) sina Hazel Francisco, Brual Acuna at Jaime Adalim. Makumpisa sa kanila ang TV monitor, iba;t ibang paraphernalia at cash.
“Ngayon pong nagbabalik na ang industriya ng karera, balik din sa illegal na gawain ang ilan natin kababayan. Ngunit, makakaasa po ang ating publiko na gagawin namin ang lahat para matigil ang kanilang gawain,” pahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
“Sa atin pong kababayan, kung nais po ninyo suportahan ang industriya ng horseracing na mahabang panahon ding nalugmok dahil sa lockdown, doon na po tayo magpunta sa legal at may online apps na rin po para maiwasan ang contact,” aniya.
Iginiit ni Mitra na malaki ang naiaambag ng industriya ng horseracing sa pamamagitan ng buwis na nakukuha sa cash prizes at iba’t ibang aspeto na direktang sangkot sa programa at pamamalakad.
Nito lamang Oktubre, inilabas ng GAB Horseracing Division na tumaas ang sales sa horseracing sa 45% mula ang buksan ang kabuuang 72 off-tack betting station sa Metro Manila.