Bumuwelta si dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na hindi raw sila susuko sa paglaban sa korapsyon sa kabila ng pagtugis sa kanila ng mga awtoridad dahil sa pagkakadawit nila sa plunder case na kinakaharap ni Sen. Rodante Marcoleta.
Kaugnay ito sa inilabas na warrant of arrest ng Sandiganbayan 3rd Division nitong Lunes, Hulyo 6, 2026, laban kina Marcoleta, Defensor, at dalawa pang negosyanteng sina Aristotle Baluyut Viray at Joseph Varias Espiritu na pawang campaign donors ng senador noong nakaraang midterm election.
KAUGNAY NA BALITA: Warrant of arrest, hold departure order, inilabas laban kay Sen. Marcoleta, at iba pa!
Sa inilabas na video statement ni Defensor sa kaniyang Facebook post nito ring Lunes, sinabi niyang hindi raw tinanggap ng Sandiganbayan ang inihaing motion to quash ng kampo ni Marcoleta upang mahinto sana ang paglalabas ng Korte ng arrest warrant laban sa kanila.
Diin ni Defensor, mas nauna pa raw silang makulong na lumalaban sa korapsyon sa isa raw kasong wala namang batayan.
“Kami na lumalaban sa korapsyon ang nauna pang makulong sa isang kasong walang batayan,” aniya.
Buwelta niya, hindi na raw sila makakapagsalita kaugnay sa korapsyon para sana mailabas ang katotohanan, transparency, pananagutan, at hustisya.
Pagpapatuloy ni Defensor, hindi raw sila susuko sa kabila ng pagpapakulong at pagpapatahimik sa kanila ng mga awtoridad.
“Nauna pa kaming makulong kesa sa mga totoong nagnakaw sa kaban ng bayan. Makukulong n’yo kami at mapapatahimik pero hindi kami susuko,” pagtitiyak pa niya.
Matatandaang kay Marcoleta na rin nanggaling sa isang live television interview sa kaniya noong Nobyembre 7, 2025, na nakatanggap daw siya ng donasyon mula sa kaibigan niyang sina Defensor at iba pa na aabot sa halagang ₱75 milyon nang tumatayo pa lang siyang SAGIP Partylist Representative bago siya tumakbong senador.
Hindi raw idineklara ni Marcoleta kaniyang sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Asset, Liabilities and Networth (SALN) ang naturang halaga na kaniyang natanggap dahil sa kahilingan ng kaniyang mga kaibigan na huwag i-disclose ang kanilang pagkakakilanlan.
KAUGNAY NA BALITA: Warrant of arrest, hold departure order, inilabas laban kay Sen. Marcoleta, at iba pa!
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano ang plunder at bakit nagitgit si Sen. Marcoleta sa kasong ito?