July 10, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Ano ang plunder at bakit nagitgit si Sen. Marcoleta sa kasong ito?

ALAMIN: Ano ang plunder at bakit nagitgit si Sen. Marcoleta sa kasong ito?
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Ginulat ng maraming miyembro ng religious group na Iglesia Ni Cristo (INC) ang publiko sa pagkakasa nila ng “surprise protest” sa EDSA People Power Monument sa Quezon City noong umaga ng Martes, Hunyo 30, 2026, para mariing tutulan ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta tungkol sa umano’y tinanggap nitong ₱75-million campaign donation noong 2025 elections.

Sa pahayag na binasa ni INC Spokesperson Edwil Zabala, nagtataka umano sila kung bakit kakasuhan si Marcoleta gayong ito ang nagsiwalat ng mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.

KAUGNAY NA BALITA: INC, nagtataka bakit kakasuhan si Marcoleta

Kaugnay nito, matatandaang kay Marcoleta na rin nanggaling noong Nobyembre 2025 ang pag-amin niyang tumanggap siya ng kontribusyon mula sa kaniyang mga kaibigan noong SAGIP Partylist Representative bago siya tumakbo bilang senador. 

“Ang mga kaibigan ko, nagbigay sa akin talaga. Ang pakiusap nila [ay] isa lang, ‘Tanggapin mo ang tulong namin sa ‘yo.’ Congressman ako noon, e. ‘Cong. kami po ay naniniwala na dapat kang makarating sa Senado,’” ani Marcoleta. 

Trending

Ilang malls, nagbukas ng libreng overnight parking dahil kay ‘Inday’

“Marami sila. Isa lang ang kanilang pakiusap, ‘Sana huwag mo na kaming i-disclose ang identity.’ Ngayon, kapag naglagay ako ng figure sa contribution, mapipilitan akong mag-disclose ng pangalan nila.” 

“Ngayon, dahil sa hindi ko puwedeng isiwalat ang kanilang identity, kaya sinabi ko zero in contribution. Mapipilitan ako ngayon na gawing zero ‘yon,” ‘ika pa niya. 

Ano ang plunder at parusa para rito? 

Batay sa Section 2 ng Republic Act No. 7080, maaaring makasuhan ng plunder ang isang public officer na mapapatunayang nagkaroon ng ill-gotten wealth na aabot o hihigit sa ₱50 milyon, maging sa tulong ng kaniyang pamilya at mga kakilala kung saan mahaharap sila mula sa parusang reclusion perpetua o hanggang kamatayan. 

“Any public officer who, by himself or in connivance with members of his family, relatives by affinity or consanguinity, business associates, subordinates or other persons, amasses, accumulates or acquires ill-gotten wealth through a combination or series of overt or criminal acts… hereof in the aggregate amount or total value of at least Fifty million pesos (P50,000,000.00) shall be guilty of the crime of plunder and shall be punished by reclusion perpetua to death.” 

Ngunit bakit nga ba nakakaladkad si Marcoleta rito? 

Sa naging paliwanag ni Prof. Paulo Emmanuel Tamase, Associate Dean at Assistant Professor sa College of Law sa Unibersidad ng Pilipinas, sa panayam sa kaniya sa True FM nitong Miyerkules, Hulyo 1, sinabi niyang madalas daw sa nagiging maling akala ng marami na tungkol sa lang sa pagnanakaw o pagkuha mula sa kaban ng bayan ang kasong plunder. 

“‘Yong common misconception nga natin sa plunder ay ito lamang ‘yong pagnanakaw mula sa pamahalaan,” pagsisimula niya. 

Ani Tamase, mas malaki pa raw ang nasasakop ng kasong plunder bukod pa sa pagnanakaw ng kaban ng bayan kundi hanggang pati rin sa pagkakaroon ng ill-gotten wealth ng indibidwal o public officer. 

“‘Yong plunder, mas malawak ‘yong sakop niyan. ‘Yong isa ay ‘yong nabanggit natin na pagnanakaw o pagkuha ng pera ng taumbayan sa public funds,” aniya. 

Dagdag pa niya, “‘Yong second na aspect niya actually is accumulation of ill-gotten wealth. Ibig sabihin, kapag nag-accumulate, parang tumanggap, dumami ‘yong ill-gotten wealth ng isang tao.” 

Diin ni Tamase, sakop daw sa depinisyon ng ill-gotten wealth, alinsunod sa batas, ang pagtanggap ng regalo at donasyon ng isang public officer o ng mga kawani ng pamahalaan. 

“Kabilang kasi sa ill-gotten wealth sa plunder law ay ‘yong mga regalo, donasyon na ibinibigay sa isang public officer dahil public officer siya,” ‘ika niya. 

Saad ni Tamase, ang nabanggit niya raw siguro ang dahilan ng Office of the Ombudsman para kasuhan si Marcoleta dahil maaari daw parusahan ang sinomang mapapatunayang nanuhol o tumanggap ng isang suhol.

“Doon nanggagaling ‘yong sinasabi ng Ombudsman na hindi porke’t hindi public funds ‘yong tinanggap ay hindi na ito plunder. In fact, pinaparusahan na rin kasi ‘yong pagsuhol or ‘yong pagtanggap ng suhol effectively,” paglilinaw niya. 

Giit ni Tamase, bagama’t hindi pa raw lumalabas sa publiko ang opisyal na dokumento ng isasampang kaso ng Ombudsman laban kay Marcoleta, tingin daw niyang sa malapit sa paliwanag niya ang teorya ng naturang ahensya dahil sa pagtanggap ng senador ng lampas sa ₱50 milyong donasyon noong siya ay tumatayo pa lang bilang congressman. 

“Hindi pa natin nakikita ‘yong charge documents, ‘yong complaint laban kay Sen. Marcoleta. But, I think, ‘yon ‘yong teorya nila. Kung hindi nga ito fail to declare campaign donations kay Sen. Marcoleta, kasi hindi pa siya kandidato at that time,” pagtitiyak niya. 

“At the day tinanggap niya ‘yong napakalaking sum na iyon o ‘yong napakalaking amount na iyon noong public officer na siya, noong congressman siya bago pa man siya tumakbong senador,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman aktuwal na naisusumite ng Ombudsman ang kanilang plunder case laban kay Marcoleta sa Korte ngunit nilinaw nilang sa pinal na itong yugto. 

Kasamang sasampahan ng kaso ng Ombudsman sina Marcoleta, dating mambabatas na si Mike Defensor, at iba pa. 

KAUGNAY NA BALITA: Ang kasalanan ko lang ay paglingkuran kayo—Marcoleta

KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman, idiniing galing sa sariling bibig mga ebidensya vs Sen. Marcoleta!