Naglabas ng pahayag si Sen. Rodante Marcoleta matapos maiulat na inaasahang kakasuhan siya ng plunder kasama ang tatlo pang nagbigay sa kaniya ng umano’y ₱75-million campaign donation noong 2025 elections.
Sa video statement na ibinahagi ni Marcoleta sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Hunyo 30, sinabi niyang paglilingkod lang daw sa taumbayan ang tanging kasalanan niya.
Aniya, “Ang kasalanan ko lang po ay ang paglingkuran kayo. Kung kasalanan pong matatawag 'yan, na humarap sa kanila nang buong tapang para sa gano'n ay malaman n'yo ang totoo; malaman n'yo kung sino ang nagkasala sapagkat gusto nating papanagutin lahat ng taong ito."
"Ngunit kapag ako'y kanilang inaresto, hindi na po matutuloy 'yan. Akala po nila'y malilibing na ito sa limot," dugtong pa ni Marcoleta.
Matatandaang bago tuluyang palitan ni Sen. Ping Lacson noong Setyembre 2025, nagsilbing chairman si Marcoleta ng Senate Blue Ribbon Committee na siyang responsable sa pag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.