Nilinaw sa publiko ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na hindi na raw sila nahirapan sa pag-iimbestiga sa plunder case laban kay Sen. Rodante Marcoleta dahil sa senador na rin daw mismo nanggaling ang mga ebidensiyang nagpatunay sa pagtanggap niya ng donation para sa kampanya noong nakaraang eleksyon.
Kaugnay ito sa ikinasang kilos-protesta ng religious group na Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument sa Quezon City umaga nitong Martes, Hunyo 30, 2026, para mariin nilang tutulan ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Marcoleta tungkol sa umano’y tinanggap nitong ₱75-million campaign donation noong 2025 elections.
Ani INC Spokesperson Edwil Zabala, nagtataka umano sila kung bakit kakasuhan si Marcoleta gayong ito ang nagsiwalat ng mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: INC, nagtataka bakit kakasuhan si Marcoleta
Sa naging pahayag naman ni Clavano sa panayam sa kaniya ng isang radio station nito ring Martes, ipinaliwanag niyang hindi na raw sila masyadong nagsiyasat pa ng ebidensya laban kay Marcoleta.
Aniya, nanggaling na rin daw mismo sa mga pahayag sa publiko ni Marcoleta at isinumite nitong dokumento sa Commission on Election (COMELEC) ang mga ebidensya nalikom nila para magsampa ng kaso laban sa senador.
“Gusto ko ng ipaliwanag na hindi naman namin po ito ni-seek out. We did not go out for a way para hanapin po ‘yong ebidensya dito,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Dahil lahat po ng ebidensya ay nanggaling po sa kaniya. Sa kaniyang mga public pronouncements, sa kaniyang mga sinubmit po sa COMELEC. ‘Yon po ‘yong ginamit ng team.”
Ani Clavano, nakapagbukas daw agad sila ng motu proprio na imbestigasyon laban kay Marcoleta para patotohanan ang mga nasaad mismo ng huli sa publiko at pati na rin daw ang naging pag-amin ng mga donors na nagbigay sila ng tig-₱25 milyon sa naturang senador.
“In fact, motu proprio po ang nangyari dito dahil narinig ng mga investigators ang mga sinasabi po ni Sen. Marcoleta. Nag-open po kaagad sila ng isang motu proprio investigation,” aniya.
“Hindi nagtagal, dahil nga lahat ng mga elemento ay nandoon na sa mga sinabi niya, not just Sen. Marcoleta but even the donors na nag-admit naman talaga na nagbigay sila 25 million each,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi pa naman naglalabas ng direktang tugon, reaksyon, o pahayag si Marcoleta kaugnay sa nasaad na ito ni Clavano.
KAUGNAY NA BALITA: Ang kasalanan ko lang ay paglingkuran kayo—Marcoleta
KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta, nang-gaslight na naman!—Lacson