HALOS dalawang linggo na lamang ang nalalabi bago idaos ang second window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Manama, Bahrain, nagtungo na ang Gilas Pilipinas pool sa Inspire Academy sa Calamba, Laguna para sa kanilang bubble training camp.
May kabuuang 16 na manlalaro ang kabilang sa pool at nakatakdang sumabak kontra Thailand sa Nobyembre 26 at sa South Korea sa Nobyembre 28 at muli kontra Thailand sa Nobyembre 30.
Labing-isa mula sa nasabing 26 na manlalaro ang pawang mga holdovers ng pool sa first window na kinabibilangan nina Gilas cadets Isaac Go; Matt at Mike Nieto, Rey Suerte, Allyn Bulanadi, Jaydee Tungcab, Juan at Javi Gomez de Liaño, Dwight Ramos, Kobe Paras, Justine Baltazar at Dave Ildefonso.
Ang mga bago namang nadagdag ay sina William Navarro at Angelo Kouame ng Ateneo at sina Calvin Oftana at Kemark Carino ng San Beda.
Si Navarro ang 6-foot-5 utility forward na nagsilbing glue guy para sa Blue Eagles sa kanilang three-peat run sa UAAP habang ang kakamping si Kouame ang 6-foot-10 Ivorian center na kasalukuyang pinuproseso ang naturalization sa Kongreso na sinisikap maihabil bago magsimula ang second window.
Isa ring utility forward ang 6-foot-4 at reigning NCAA Most Valuable Player na si Oftana habang ang kapwa Red Lion at 6-foot-8 big man na si Cariño ay dati ng miyembro ng ilang mga nakaraang Gilas pools.
-Marivic Awitan