KAHIT sa loob ng ginaganap na PBA bubble, bitbit ni Paul Lee ang tatak niyang angas na ginamit niya upang tulungan ang Magnolia na magkaroon ng tsansang magtapos sa top 4 patungo sa quarterfinals ng 2020 Philippine Cup.
Nagtala ang dating UE Red Warrior ng average na 25.3 puntos, 4.5 rebounds at 3.8 assists noong nakaraang linggo Nobyembre 3-8 kung kaya nahirang bilang Cignal TV-PBA Press Corps Player of the Week.
Naipanalo ng Hotshots ang lahat ng apat nilang laro noong nakaraang linggo na nagsimula sa bubble version ng Manila Classico na nag-angat sa kanila sa barahang 6-4.
Kasabay ni Paul Lee, napili naman bilang Rookie if the Week si Meralco guard Aaron Black.
Nagposte si Black ng average na 5.8 puntos, 6.5 rebounds at 2.5 assists sa ibinigay sa kanyang quality minutes off the bench sa naiposteng 3-1 rekord ng Bolts noong isang linggo para makatiyak ng slot sa playoffs sa unang pagkakataon sa Philippine Cup mula noong 2015.
Umiskor si Lee ng 27-puntos sa kanilang 102-92 paggapi sa dating namumunong TnT Tropang Giga, na sinundan nya ng 29-puntos sa kanilang 103-89 tagumpay kontra Terrafirma bago ang 31-puntos na kanyang iniskor sa kanilang 70-62 panalo kontra Rain or Shine.
Bahagya siyang lumamig at nagposte ng 14 puntos kontra Northport pero may kasamang 6 na rebounds at 8 assists.
Tinalo niya para sa parangal sina Phoenix guard RJ Jazul, Stanley Pringle ng Ginebra, Chris Newsome ng Meralco at ang NLEX duo nina Kevin Alas at Jericho Cruz.
Samantala, naungusan naman ni Black, sina Terrafirma rookie Roosevelt Adams at Aris Dionisio ng Magnolia.
-Marivic Awitan