UNTI-UNTI, ngunit nasa tamang direksyon ang progreso ng paghahanda ni Olympian Eumir Felix Marcial, halos dalawang linggo mula nang simulant ang pagsasanay sa pamosong Wild Card gym ng boxing trainer hall-of-famer Freddie Roach.

marcial

Kabilang sa nakasagupa ng 25-anyos ang beteranong si middleweight Gabriel Rosado, na naghahanda para sa kanyang laban kontra sa dating world middleweight champion na si Daniel Jacobs sa November 27 sa California.

“Bumalik talaga yung kumpiyansa ko pagtapos ng sparring kasi matagal na ako walang training and laban habang nasa Pilipinas kaya ngayon masasabi ko na tama talaga desisyon ko na pumunta dito sa US,”pahayag ni Marcial, patungkol sa mahabang panahon na ginugol niya sa Manila na pinadapa ng COVID-19 pandemic.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Huling lumaban si Marcial nitong Marso kung saan nakamit niya ang gintong medalya at kaakibat na Olympic slots sa Asian Olympic Qualifiers sa Amman, Jordan.

Dahil sa pandemic, nalimitahan ang kanyang pagsasanay, subalit nang magdesisyon siyang umakyat sa pro at lumagda ng kontra sa MP Promotions ni Manny Pacquiao nitong Hulyo, nakasentro ang kanyang program ana magsanay sa abroad.

Kaagad na isinaayos ni MP Promotions vice president Sean Gibbons ang training camp ni Marcial sa Los Angeles para makapaghanda sa kanyang laban sa Tokyo Games sa Agosto.

“Pasalamat ako kay Senator Manny (Pacquiao) kasi hindi naman talaga niya obligasyon na gastusan itong training camp kasi nga, promoter siya, hindi manager. Yung paghanap lang ng laban ko ang obligasyon talaga ng MP Promotions,” sambit ni Marcial.

Ayon kay Marcial, inayos na niya at handing isumite sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at Philippine Sports Commission (PSC) ang kanyang request para mabudgetan ang kanyang training program.

“Nagsabi naman ang ABAP at PSC na tutulong sila kaya sana masuportahan nila itong program dito kasi komportable na ako kay coach Freddie although maganda din kung makakasama ko pa si coach Ronald,” sambit ni Marcial.

-Dennis Principe