Ibinahagi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang “non-negotiable qualities” na gusto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. pagdating sa maninilbihang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasunod ito ng nakatakdang pagtatapos ng paninilbihan ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa darating na Hulyo 21, 2026.
Sa press briefing na ginanap ng PCO nitong Lunes, Hulyo 6, isiniwalat ni Usec. Castro na hindi pa nakararating sa kaniya ang mga listahan ng maaaring humalili kay Brawner bilang AFP Chief of Staff.
“Sa ngayon, wala pa pong naipapaabot sa atin. So, wala pa po akong maibibigay sa inyo kung mayroon nang ganoong impormasyon,” saad ni Usec. Castro.
Anang press officer, ilan lamang sa mga kalidad ng hepe ng AFP na nais ni PBBM ay mapagkakatiwalaan, makabayan, at maka-Diyos.
“Unang-una po, of course, mapagkakatiwalaan, makabayan, maka-Diyos, masipag, at ang iniisip ay kapakanan ng bayan,” anang press officer.
Nanungkulan si Brawner bilang top military official ng ahensya mula pa noong Hulyo 21, 2023.
Ang pagtatapos na ito ay nakabatay sa batas na three-year fixed term para sa key military officials.
Ang Pangulo—na siyang Commander-in-Chief ng AFP—ang siyang mamimili ng susunod na AFP Chief of Staff.