KIPKIP ang dalangin para sa tagumpay ni Giemel Magramo ang pabaon ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, higit at tatangkain ng Pinoy na masungkit ang bakanteng flyweight title ng World Boxing Organization (WBO).
“Walang problema. Lahat ng dokumento na kailangan niya ay naibigay namin para maginhawa ang byahe niya at makapaghanda pa ng mabuti bago ang laban,” pahayag ni Mitra.
Aniya, naisyuhan ng GAB ng ‘letter of authority’ si Magramo nitong Oktubre 16.
Haharapin ni Magramo si Japanese star Junto Nakatani Biyernes ng gabi sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Matagal nang nakatakda ang laban na orihinal na gaganapin nitong Abril 4, ngunit limang ulit itong naantala bunsod nang COVID- 19 pandemic. Nitong Huwebes, isinagawa ang weigh-in at kapwa pasok sa weight limit ang dalawa. Tumimbang ang Pinoy ng 111.5 lbs,. habang kahibla ang lamang ng Hapones sa 111.7 lbs.
Tangan ni Magramo, 26, ang 24-1 tampok ang 20 KOs, habang hawak ng 22-anyos na si Nakatani ang 20-0 karta, tampok ang 15 Kos.
Halos isang buwang namalagi ang Team Magramo sa Japan para paghandaan ang laban. Kasama niya ang ama at trainer na si Melvin Magramo, assistant trainer Toto Laurente, manager Johnny Elorde, at anak at sparring mate na si Juan Miguel.
Itinuturing ‘Pinoy Executioner’ si Tanaka na nagwagi kay dating two-division world champion Milan Melindo via six round stoppage noong October 5, 2019.
Kabilang din sa Pinoy na pinatumba ng Hapones si Philip Luis Cuerdo via firt-round knockout nitong June 1, 2019, bago huling nagwagi sa kababayan na si Japanese Naoka Mochizuki via nine round TKO.
Naipanalo naman ni Magramo ang huling pitong laban, mula nang matalo kay
Pakistani Muhammad Waseem noong November 27, 2016.
-Edwin Rollon