DAHIL sa kabiguang makakuha ng pahintulot mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ang Olympic qualifying competition para sa track and field na dapat idaraos sa susunod na buwan ay iniurong na sa 2021.
Ayon kay athletics chief Philip Ella Juico, ang Philippine Athletics Championships, na isang qualifying event para sa Tokyo Olympics ay gaganapin na sa Marso.
Ngunit, naka-depende pa rin ito kung aaprubahan ng IATF.
“Our request for approval of holding the training of the entire national team in November and the championship in December have yet to be evaluated and assessed by the PSC (Philippine Sports Commission) and endorsed to the IATF,’’ wika ni Juico.
Plano sana nila ayon kay Juico na magsagawa ng camp para sa kanilang 21 homegrown Filipino athletes sa loob ng dalawang buwan sa pamamagitan ng bubble bago sila isabak national championship kung saan may nakatayang Olympic slots.
Ilan sa mga national tracksters na naghahangad na makakuha ng slot sa Olympics ay sina sprinter Kristina Knott, hurdler Eric Cray, William Morrison (shot put), pole vaulter Natalie Rose Uy at marathoner Christine Hallasgo.
Target nilang makasama ng men’s pole vault Asian champion na si Ernest John Obiena, ang unang Filipino athlete na nagkwalipika sa 2021 Summer Games.
-Marivic Awitan