HINDI lang sa panganib sa kanyang buhay nangangamba si actress Angel Locsin dahil sa red-tagging sa kanya ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., kundi baka malagay rin sa alanganin ang pagsasagawa niya ng relief operations sa mga biktima ng bagyo.
Naging emosyonal si Angel sa pagbibintang sa kanya ni Parlade, spokesman ng National Task Force to End to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at sa kanyang kapatid na si Ella Colmenares bilang mga miyembo ng NPA.
“Parang itong parating na bagyo, ‘di mo alam kung lalabas ka ngayon para tumulong. Ewan ko, baka iyong puntahan ko baka ma-red tag kami, baka madamay,” ani Locsin. “Siyempre wala naman kaming ganoong resources kagaya nila para protektahan ang sarili namin”.
Kilala si Locsin sa kanyang philanthropic activities o pagkakawanggawa lalo na sa panahon ng bagyo at sa pananalasa ng COVID- 19 mula Marso hanggang Hunyo.
Siya at ang kanyang fiance na si Neil Arce, ay nagkaloob ng shelter, medical supplies at iba pang relief goods para sa health workers at front liners.
Samantala, nagpahayag ng suspetsa si Parlade na si Angel at kapatid na si Ella ay mga miyembro umano ng grupo ng New People’s Army-Quezon.
“Kung mayroon silang sapat na katibayan, bakit hindi nila kami idemanda? Tutal sigurado sila, may source sila, intent sila, bakit nagkakamali pa po sila sa ebidensya. Pero hindi e, gusto nilang sirain kami sa social media,” giit pa ni Angel.
-BERT DE GUZMAN