TWENTY-THREE days tatagal ang lock-in taping ng GMA Afternoon Prime series na Bilangin ang Bituin sa Langit, na isa sa cast ang Kapuso actor na si Zoren Legaspi.
Matagal-tagal na hindi makakauwi ng bahay si Zoren sa kanyang pamilya, kaya inihatid siya ng kambal na anak nila ni Carmina Villarroel, sina Mavy at Cassy sa location nila sa San Mateo, Rizal, kung saan sila mananatili ng mga kasama sa cast na sina Ms. Nora Aunor, Mylene Dizon, Kyline Alcantara, Ina Feleo, Yasser Marta at si director Laurice Guillen.
Sa Instagram post ni Zoren, pinasalamatan niya ang kambal: “Thank you @cassy and @mavylegaspi for bringing me here in my bubble.”
Isa pang IG post ni Zoren, ibinahagi na niya ang nangyayari sa taping nila. “Kahit ‘rest day’ namin, naghahanda pa rin ako para sa mga eksenang susunod. Kaya kahit rest day ko today... but not completely, ‘cause an actor prepares.”
Malamang sa pag-uwi ni Zoren sa bahay, ang wala naman ay ang anak na si Cassy, dahil magsisimula na rin siya ng lock-in taping naman ng kanyang first teleserye sa GMA Network, ang First Yaya.
Kasalukuyang napapanood ang One True Love nina Alden Richards at Louise delos Reyes sa timeslot ng Bilangin ang Bituin sa Langit, 4:15PM sa GMA-7.
-NORA V. CALDERON