July 15, 2026

Home BALITA National

Sen. Lacson kay Atty. Kapunan: 'I never talked about birds!'

Sen. Lacson kay Atty. Kapunan: 'I never talked about birds!'
Photo courtesy: Screenshots from Senate of the Philippines (FB)

Saglit na napuno ng tawanan ang Senate impeachment court nitong Martes, Hulyo 14, matapos magkaroon ng nakaaaliw na palitan ng hirit sa pagitan nina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, Senate impeachment court presiding officer Senator-Judge Chiz Escudero, at Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson.

Nang magsalita si Kapunan hinggil sa haba ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, binanggit niya ang isang umano’y panayam na aniya’y kay Lacson.

“I can see Senator Panfilo Lacson coming in at narinig ko po yung kaniyang interview noong sinabi po niya na baka magkaapo na tayo rito at magkaroon na ng national bird, eh hindi pa tapos ang impeachment trial natin,” ani Kapunan.

Agad naman itong pinansin ni Escudero.

“Bird? Ma’am, you said national bird?” tanong ng Senate President.

National

'No brainer:' Ridon, tumirada sa cross-exam ng defense kay Lotoc!

Sinubukan namang linawin ni Kapunan ang kaniyang tinutukoy at muling bumaling kay Lacson.

“Hindi po ba, Senator Lacson? Somebody who interviewed you said that you said that,” sabi niya.

Ngunit itinanggi ito ng senador.

“It must be another senator-judge or another person,” tugon ni Lacson.

Hindi pa rin agad nakumbinsi si Kapunan at muling nagtanong.

“Talking about birds?”

Muling bumalik si Lacson at natatawang humirit kay Kapunan.

“I never talked about birds," aniya.

Dahil dito, nagtawanan ang mga senador at iba pang dumalo sa paglilitis.

Humirit na lamang si Kapunan na baka "hearsay" lamang ang narinig niya tungkol sa panayam ni Lacson. 

Matapos ang magaan na sandali, inanunsyo ni Kapunan ang isang mahalagang hakbang ng prosecution panel kaugnay ng Article IV ng impeachment complaint, na patungkol sa umano'y grave threats ni Vice President sara Duterte kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa kaniya, hindi na ihaharap bilang mga testigo ang Chief of Staff ni VP Sara na si Atty. Zuleika Lopez, gayundin si Captain Belinda Bello.

Ipinaliwanag ni Kapunan na sapat na ang mga impormasyong nakalap ng prosecution mula sa mga naunang testigo at maging sa mga pahayag ng kampo ng depensa, kaya hindi na kinakailangang kunan pa ng testimonya si Lopez.

Samantala, sinabi rin niyang magsisilbi lamang na pangsuportang ebidensya o corroborative ang mga impormasyong maaaring maibigay ni Bello.