Taon-taon, ginaganap ang International Rock Day pagpatak ng Hulyo 13.
Itinakda ang araw na ito upang ipagdiwang ang pisikal na estruktura ng mundo at ang natural na formation ng mga bato na malaki ang papel sa paghulma ng planeta at kasaysayan ng tao.
Ngunit sa kabilang banda, simbolo rin ito ng karangyaan at kayamanan. May ilang bato na may kaukulang halaga. Depende sa uri o anyo nito.
Kabilang na rito ang blue diamond na nakakahipnotismo umano ang kinang. Kinikilala ito bilang pinakamahal at pinakapambihirang gemstone sa buong mundo.
Ayon sa artikulo ng Sotheby's, matutunton umano ang pinagmulan ng blue diamond sa rehiyon ng Golconda sa India kung saan ito unang nahukay.
Ang mga sikat na diamond gaya ng Idol’s Eye at Hope Diamond ang ilan sa mga unang nakapukaw sa atensyon ng tao sa pagitan ng ika-15 at ika-17 siglo.
Batay sa mga tala, nagmula raw talaga ang mga diamond na ito sa India at Brazil. Ngunit kalaunan, panaka-naka ring natagpuan sa Cullinan Mine sa South Africa.
Ang Cullinan Mine ang itinuturing na isa sa pinakakilalang minahan ng diamond na pagmamay-ari ng Petra Diamonds . Dito galing ang dalawa sa pinakamalaking diamonds sa British Crown Jewels.
Bagama't ang mga asul na diyamante ay napakadalang, ang nagpapatingkad sa kaibahan nito ay ang taglay nitong ganda higit sa karaniwan.
Hindi tulad ng ibang mga de-kulay na diamond, ang mga blue diamond ay pwede pang mas lumaki.
Kaya naman hindi nakapagtataka na umaabot umano sa $25.8 milyon hanggang $57.5 milyon ang presyo ng mga blue diamond.