Ang dating senador at kasalukuyang alkalde ng Makati City na si Nancy Binay ang sinasabing nag-officiate o nagsagawa ng seremonya ng kasal nina Kapuso star Bea Alonzo at Puregold heir Vincent Co, na sinasabing isinagawa sa Makati City Hall noong Lunes, Hulyo 13.
Ibinunyag ng showbiz insider-talent manager na si Ogie Diaz na nakarating sa kaalaman niya ang napakapribadong pagpapakasal ng dalawa.
"Congratulations Bea Alonzo and Vincent Co, finally, they got married na sa Makati, noong July 13 at 7:00 PM," saad ni Ogie.
Dagdag pa niya, ang nakasaksi lamang daw sa kanilang kasal ay mga may-ari ng isang brand ng bag, at wala raw masyadong tao sa naganap na seremonya sa Makati City Hall.
"Hayan nga, may nagpadala sa akin ng litrato, ay oo nga, confirmed nga!" saad pa ni Ogie.
Bukod sa mga larawan, mayroon ding certificate of marriage ang dalawa na nagpapatibay na totoong naganap ang umano'y kasalan.
"Finally, natupad din ang pangarap ni Bea na una makasal dahil siyempre, pangalawang udlot na ito, in case lang, if ever, 'di ba, maganda rin yung tahimik lang, wala sa side ni Bea yung nangialam, at sa side naman ni Vincent Co, siyempre... eh, ilang taon na rin naman si Vincent," saad pa niya.
Patungkol naman daw sa isyu ng "prenuptial agreement" o prenup, hindi na raw isyu iyon sa dalawa, bagama't may prenup pa rin kaya dumalo raw sa pagtitipon si Atty. Lorna Kapunan, para sa panig ni Bea.
Matatandaang naging usap-usapang hindi na raw matutuloy ang enggrandeng kasal ng dalawa dahil nga raw sa pinag-usapang prenup.
Samantala, lalo namang lumutang ang katotohanan tungkol dito nang ibahagi ni Mayor Nancy ang selfie nila ni Bea.
Simpleng caption ng alkalde, "Coffee w/ coffeemate."
May hashtag pa itong "One More Chance" na pamagat ng iconic movie nina Bea at dating katambal na si John Lloyd Cruz.
Bukod dito, naglilitawan na rin ang iba't ibang larawan ni Mayor Binay kasama ang rumored husband and wife.
Sa kabila nito, wala pa ring direktang kumpirmasyon sina Bea at Vincent tungkol sa kasalan.
Maki-Balita: Bea Alonzo at Vincent Co, palihim na nagpakasal noong Hulyo 13?