Ligtas na nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang isang “unexploded ordnance” (UXO) sa loob ng isang junk shop sa Davao City.
Ayon sa ulat ng PNP nitong Martes, Hulyo 14, narekober ng mga personnel ng PNP Explosive Ordnance Disposal at K9 Group (PNP-EOD/K9) ang bomba sa assorted scrap metals na ibinenta umano ng isang “unidentified seller.”
Base pa sa imbestigasyong ikinasa ng mga awtoridad, ang naturang bomba ay isang 105mm High Explosive projectile.
Nakitaan ng signs of age at corrosion ang bomba—ngunit ito ay itinuring ng mga awtoridad bilang isang potential hazard, na nirekober nang may labis na pag-iingat.
Isinumite ang bomba sa kustodiya ng PNP-EOD/K9 Group para sa wastong disposisyon.
Komendasyon naman ang ipinaabot ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. para sa mga rumespondeng awtoridad—kasabay ang isang paalala at babala sa publiko hinggil sa mga bagay na posibleng magresulta ng panganib sa komunidad.
"Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang anumang bagay na maaaring magdulot ng panganib sa komunidad. Kapag may nakita o napansing kahina-hinalang explosive item, huwag itong galawin at agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. Ang mabilis na pag-uulat ng mamamayan ay malaking tulong upang maiwasan ang aksidente at mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” saad ni Nartatez sa kaniyang pahayag.
Aniya, "This successful response reflects the preparedness and professionalism of our EOD personnel. We will continue strengthening our preventive efforts and community engagement so that potential threats are addressed before they can place lives at risk."
Sa kaugnay na ulat, pitong vintage bombs naman ang narekober din sa isang junk shop sa Quezon City.
Ayon sa ulat, napagkamalang basura ang mga nasabing bomba, na pinaniniwalaang ginamit noon pang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
MAKI-BALITA: Pitong vintage bombs na napagkamalang basura, narekober sa isang junk shop!-Balita