Nakuha na ng mga awtoridad sa Quezon City Police District (QCPD) ang pitong vintage bombs na pinaniniwalaang ginamit noon pang World War II (WWII) sa isang junk shop sa Quezon City noong Linggo, Hulyo 12.
Batay sa pahayag ng QCPD, ang explosive devices ay natukoy bilang heavily corroded 60 mm High Explosive (HE) M49A2 mortar rounds.
Anila pa, ang mga armas na ito ay narekober sa isang junk shop sa kahabaan ng F. Castillo St., Brgy. Bagumbuhay, Project 4, bandang 9:00 ng umaga noong Linggo.
Bago ito makarating sa mga awtoridad, naiulat na natagpuan ito ng mga manggagawa sa junk shop habang nagbababa ng mga basurang ibiniyahe mula sa Sitio Cabading, Brgy. Inarawan, Antipolo City, kaya noong mga oras na ito, napagkamalan na kalat lamang din ang explosive devices.
Nang makita ito ng may-ari ng junk shop, agad niya itong ipinagbigay-alam sa Police Station (PS) 8 ng QCPD, na umalerto sa kanilang District Explosives and Canine Unit (DECU) upang magsagawa ng karampatang explosive ordnance disposal procedures.
Naiulat pa ng bandang 10:15 ng umaga, matagumpay na naisagawa ang operasyon.