July 14, 2026

Home FEATURES

Ekis ka! Mga puwedeng mangyari sa taong ‘cancelled’

Ekis ka! Mga puwedeng mangyari sa taong ‘cancelled’
Photo courtesy: Unsplash


Sa makabagong panahon—kung saan tila halos lahat ay parati na lamang nakaharap sa kani-kanilang cellphone at computer—hindi maikakailang bahagi na ng araw-araw na buhay ng bawat isa ang paggamit ng social media.

Sa katunayan, halos lahat ay nagagawa na rito—sa usaping pang-edukasyon, pang-negosyo, pantrabaho, o maging pang-interes lamang.

Dahil nga sa pang araw-araw na ang paggamit ng lahat ng social media, tila naisasabuhay na rin ng mga gumagamit nito ang kulturang nakapaloob dito—partikular na ang sikat na sikat ngayong “cancel culture.”

Ano nga ba ang cancel culture?

Ayon sa pakahulugan ng Encyclopedia Britannica, ang cancel culture ay isang porma ng social ostracism—kung saan ang mga indibidwal, grupo, o institusyon ay humaharap sa kritisismo mula sa publiko, kadalasan ay sa social media.

Trending

Pagpupurga, delikado nga ba?

Nag-uugat ito sa perceived objectionable behavior ng isang tao, kanilang mga pahayag, o maging paniniwala at sentimyento sa mga bagay-bagay.

Sa depinisyon naman ng Very Well Mind, ang cancel culture ay isang porma ng pam-bo-boycott, kung saan tinatanggalan ang isang tao, grupo, o organisasyon ng suporta dahil sa isang isyung hindi aprubado ng karamihan o mayorya.

Bakit nga ba nararanasan ng iilan ang cancel culture?

Batay sa parehong source, narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit naka-cancel ang isang indibiwal, grupo, institusyon, o organisasyon:

- Upang maging “teaching moment”

- Upang bigyan ng pagkakataon ang isang tao na ikonsidera ang kahihinatnan ng kaniyang mga tinuran o ginawa

- Upang magpahayag ng “racism” o “sexism”

- Upang ituro sa tao ang pag-iisip bago magsalita

- Upang panagutin ang isang tao sa kaniyang mga sinabi o ginawang aksyon

Ano ang mga epekto ng cancel culture?

Anang source, maraming negatibong epekto ang kulturang ito—partikular na sa mental health ng mga biktima.

Ang tahasang pagkakansela sa isang tao ay maaaring maging ugat ng “bullying” o pambubuska.

Dahil dito, posible ang pakiramdam ng pag-iisa—isolation, loneliness.

Sa katunayan, ang pakiramdam na ito ay maaaring magdulot ng anxiety, depression, o mas malala, mataas na bilang ng suicide rates.

Dahil din sa cancel culture, maaaring maramdaman ng isang tao na siya ay hindi gusto ng lahat.

Sa cancel culture kasi, kadalasan ay hindi nabibigyan ng pagkakataon ang isang indibidwal na manghingi ng tawad o ipaliwanag ang kaniyang sentimyento—sapagkat nauuna ang panghuhusga at pambubuska sa biktima.

Dahil dito, nahihirapan ang indibidwal na ibahagi ang kaniyang nararamdaman, na mas nagpapahirap sa kaniya na ipaunawa sa iba ang kaniyang punto.

Sa marahas na mundo, ang Cancel Culture Awareness Day ay isang paalala na maraming maidudulot na maganda ang pag-unawa, pakikinig, at pagiging mabuti sa kapwa.