Mainit na pinag-uusapan ngayon sa social media ang pagkasawi ng isang Grade 4 pupil matapos umanong painumin ng pampapurga ng kaniyang class adviser sa Trece Martires City, Cavite, noong nakaraang Huwebes, Hulyo 2.
Ikinuwento ng ina ng biktima sa isang salaysay, matapos inumin ng kaniyang anak ang pampapurga, sumakit ang ulo nito at nagsuka.
Dinala na nila ang bata sa ospital nang lumala ang lagnat nito at sinamahan pa ng pananakit ng tiyan.
Sa kasamaang palad, sa ospital na tuluyang pumanaw ang bata matapos ang ilang oras na gamutan.
Hinala ng mga magulang ng bata, hindi nito kinaya ang epekto ng ininom na pampapurga dahil may nakapagsabi raw sa kanilang 400 milligrams ito.
Sa kasalukuyan, humihiling ng autopsy ang mga magulang ng bata upang malinawasan sila sa tunay na dulot ng pagkasawi nito.
MAKI-BALITA: Estudyanteng pinurga ng guro niya, patay!
Sa hiwalay na pahayag, ibinahagi ng Department of Education (DepEd) na batay sa kanilang initial medical findings, impeksyon na nauwi sa septic shock ang dulot ng pagkasawi ng bata.
MAKI-BALITA: Grade 4 pupil na nasawi sa pampapurga, napag-alamang may impeksyon!—DepEd
Sa kabila ng nakababahalang ulat na ito, ano nga ba ang pagpupurga?
Ayon sa National Nutrition Council (NNC), ang pagpupurga o deworming ay isinasagawa upang tugunan at iwasan ang soil-transmitted helminth infections o mga sakit dulot ng parasitic worms, na kumukuha sa sustansya ng kinakapitan nitong katawan.
Ang pagkakaroon ng parasitic worms na ito ay nagdudulot ng malnutrisyon, panghihina, at pagkakaroon ng komplikasyon sa mental at pisikal na paglaki ng mga bata.
Saad pa ng NNC, sa pagpupurga, nagbibigay ng deworming tablets ang pamahalaan tulad ng Albendazole at Mebendazole, na ligtas at epektibong nakakapuksa ng parasitic worms na ito.
Dahil mga bata rin ang iinom, kadalasan, ang mga gamot na ito ay flavored chewable tablets.
Napapahinto rin ng tablets na ito ang muling paglaki ng parasitic worms na ito.
Ngunit dahil ang mga bata ay madaling maimpeksyon, inirerekomenda ng Department of Health (DOH) na painumin ng pampapurga ang mga ito ng dalawang beses sa isang taon.
Ayon naman sa HealthFirst Clinic, partikular na kinakailangan ng pagpupurga ang mga batang nasa edad 1 hanggang 18 dahil sila ang maituturing na “at risk,” lalo na ang mga naninirahan sa mga lugar na may limitadong access sa malinis na tubig.
Sa dagdag na pag-aaral ng NNC, habang bihira ang side effects, may maliit pa ring tiyansa na maramdaman ng batang pinurga ang mga sumusunod:
- abdominal discomfort o pananakit ng tiyan
- headache o sakit ng ulot
- nausea o pagduwal
Saad pa ng NNC, ang side effects na ito ay naiibsan sa pamamagitan ng maayos na tulog at pag-inom ng malinis na tubig.
Upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng parasitic worms, ipinapayo ng DOH ang mga sumusunod na hakbang:
1. Tiyaking dalawang beses sa isang taon na pagpapapurga.
2. Iwasan ang pagdumi sa open areas upang hindi kumalat ang itlog ng parasitic worms sa lupa, tubig, o anumang bagay na may direct contact sa balat o water at food system ng isang komunidad.
3. Ugaliin ang pagsusuot ng tsinelas at sapatos.
4. Maagap na hugasa ang kamay gamit ang sabon at malinis na tubig.
5. Hugasan ang mga gulay at maiging pagluluto nito bago kainin.