Hustisya ang panawagan ng mga magulang ng isang Grade 4 pupil na nasawi matapos umano siyang painumin ng pampapurga ng kaniyang class adviser sa Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa mga ulat, nangyari ang insidente noong Hulyo 2 habang noong Hulyo 3 naman nang pumanaw ang biktima.
Batay sa salaysay ng ina ng biktima, mismong ang class adviser ang nagpainom sa anak niya at aminado rin siyang pirmado rin siya sa waiver.
Sa mga nakalipas na taon, pinapauwi raw sa mga bata ang gamot na pampapurga at mga magulang ang nagpapainom, subalit naiba raw ito nitong 2026.
Kuwento pa ng ina ng biktima, naabisuhan siya noong Hulyo 2 na gusto umanong mag-halfday ng anak niya dahil sa pananakit ng ulo at pagsusuka matapos na makainom ng gamot na pampurga. Lumala sa lagnat ang idinadaing ng bata kasama ang pananakit ng tiyan.
Bunsod nito, doon na raw silang nagdesisyong isugod siya sa ospital kung saan tuluyan siyang pumanaw matapos ang ilang oras na gamutan.
Hinala ng mga magulang ng biktima, hindi umano kinaya ng kanilang anak ang epekto ng gamot dahil may nakapagsabi raw sa kanila na 400 milligrams ang ipinaiinom sa mga bata.
Samantala, napag-alamang hindi na muna umano pinapapasok ng school principal ang adviser ng biktima matapos ang insidente—bagay na ikinasama naman ng loob ng mga magulang ng bata. Ayon sa kanila, hindi na raw nakipag-ugnayan sa kanila ang guro matapos na mangyari ang insidente.
Hiling ng mga magulang ng bata, maipa-autopsy ang bangkay ng kanilang anak upang mabigyang-linaw din ang kaniyang pagkamatay.
Sa hiwalay naman na pahayag ng eskwelahan ng biktima
siniguro nila ang pakikipag-ugnayan nila sa isasagawang imbestigasyon.
"Should there be any ensuing legal processes and inquiries to be conducted by the duly constituted authroties in connection with the instant controversy, the DepEd Cavite Province officials, employees and personnel shall not shrink form our responsibilities and sworn duties," anila.