Inihayag ng Department of Education (DepEd) ang sanhi ng pagkamatay umano ng Grade 4 pupil na pinainom ng kaniyang class adviser ng pampurga.
Ayon sa pahayag ng DepEd nitong Lunes, Hulyo 13, 2026, ang pagkamatay umano ng bata ay dulot ng impeksyon na nauwi sa septic shock.
"Based on initial medical findings, the cause of death was linked to an infection that led to septic shock," anang DepEd.
Ibinahagi rin ng ahensya na nagpaabot na rin sila ng kaukulang tulong para sa mga kaanak ng biktima.
"We are providing the necessary emotional, psychological and logistical support to the family during this difficult time. We want to assure everyone that the safety and well-being of our learners remain our highest priority," anila.
Matatandaang nangyari ang pagpapainom ng pampapurga sa biktima noong Hulyo 2 habang noong Hulyo 3 naman nang tuluyan siyang pumanaw sa ospital.
Batay sa salaysay ng kaniyang ina, noong Hulyo 2 nang mag-half day ang biktima sa eskwelahan matapos umanong makaramdam ng sakit ng ulo at pagsusuka matapos mainom ang nasabing gamot. Lumala raw ang kondisyon ng biktima nang lagnatin siya at doon na nila ito isinugod sa ospital kung saan kalaunan ay pumanaw siya.
Hinala ng mga magulang ng biktima, hindi umano kinaya ng kanilang anak ang epekto ng gamot dahil may nakapagsabi raw sa kanila na 400 milligrams ang ipinaiinom sa mga bata.
KAUGNAY NA BALITA: Estudyanteng pinurga ng guro niya, patay!
Sa hiwalay namang pahayag ng eskwelahan ng biktima, siniguro nila ang pakikipag-ugnayan nila sa isasagawang imbestigasyon.
"Should there be any ensuing legal processes and inquiries to be conducted by the duly constituted authorities in connection with the instant controversy, the DepEd Cavite Province officials, employees and personnel shall not shrink form our responsibilities and sworn duties," anila.