July 13, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga terminong madalas marinig sa impeachment trial

ALAMIN: Mga terminong madalas marinig sa impeachment trial
Photo courtesy: MB


Maugong ang usapin ngayon ng impeachment trial, sapagkat ang indibidwal na pangalawa sa may pinakamataas na posisyon sa bansa—si Vice President Sara Duterte—ay humaharap sa paglilitis na ito.

Sa katunayan, ikinasa na nga ng mataas na kapulungan o ng Senado ang unang apat na araw ng impeachment trial mula noong Lunes, Hulyo 6 hanggang noong Miyerkules, Hulyo 8; at nito ring Lunes, Hulyo 13.

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, nakikitang maayos takbo ng impeachment trial vs VP Sara-Balita

Pero habang isinasagawa ang impeachment trial, tila may ilang legal na terminong madalas mamutawi sa mga bibig ng senator-judges, prosekusyon, o kaya naman ay ng depensa.

Ano-ano nga ba ang mga salitang ito at ano ang mga kahulugan nito?

Narito ang ilan sa mga salita o legal terms na maririnig sa kalagitnaan ng impeachment trial.

IMPEACHMENT

- ito ay tumutukoy sa isang paglilitis na isinasagawa ng lehislatura upang bigyang-aksyon ang isang “serious misconduct” na ginawa ng isang opisyal ng pamahalaan.

Sa bisa ng impeachment, maaaring mapatalsik sa puwesto o posisyon ang isang opisyal ng gobyerno.

SENATOR-JUDGES

- Ang mga senator-judge ay mga mambabatas na nagsisilbing hukom habang pinapangasiwaan ng Senado ang paglilitis.

PROSECUTION PANEL

- Grupo ng mga mambabatas na siyang sisiyasat at mag-iimbestiga sa mga reklamong ipinupukol sa akusado.

DEFENSE PANEL

- Grupo ng legal counsel at abugadong magtatanggol sa akusado.

Trabaho nilang magpakita ng mga ebidensya upang patunayang walang sala ang kanilang kliyente at siyasatin ang testigo ng prosekusyon.

WRIT OF SUMMONS

- Tumutukoy sa dokumentong ipinadadala sa akusado upang ipagbigay-alam sa kaniya na may mga akusasyong ibinabato laban sa kaniya.

Tumutukoy din ito sa kautusan ng korte sa akusado na tumugon sa mga naturang akusasyon.

CROSS EXAMINATION

- Pagsisiyasat sa mga testigong may kaugnayan sa akusasyon laban sa impeached official.

Dadaan sa cross examination ang mga testigo upang maimbestigahan kung may katotohanan ba ang mga impormasyong inilalatag nila sa paglilitis.

OBJECTION

- Ikinakasa ng prosekusyon o ng depensa ang “objection” upang humingi ng pahintulot sa korte na pigilan, hindi payagan, o tutulan ang isang tanong, testimonya, o ebidensya bunsod ng paglabag nito sa mga panuntunan ng paglilitis.

OVERRULED

- Isang ruling na ibinibigay ng presiding officer kung saan hindi nito tinatanggap ang isang objection—na siyang magbibigay ng pagkakataon sa tanong, testimonya, o ebidensya na patuloy na maibahagi sa impeachment trial.

SUSTAINED

- Isa ring ruling na mula sa presiding officer kung saan ipinapakita niyang siya ay sumasang-ayon sa “objection” na itinaas sa korte.

Ang impeachment trial ay isang mahalagang proseso na isinasaad ng Konstitusyon upang imbestigahan, siyasatin, at kilatisin ang isang opisyal ng gobyerno—tanda ng demokrasyang mayroon ang bansa.