July 15, 2026

Home BALITA National

Palasyo, nakikitang maayos takbo ng impeachment trial vs VP Sara

Palasyo, nakikitang maayos takbo ng impeachment trial vs VP Sara
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Inihayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na nakikita ng Malacañang na maayos ang paggulong ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.

Sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Huwebes, Hulyo 9, iginiit niya ring nasa kamay ng mataas na kapulungan ang ikinakasang paglilitis.

“Hindi po mandato ng ehekutibo—ng Palasyo—ang mag-assess sa nakaraang tatlong araw na hearing sa impeachment involving the Vice President,” sagot ni Usec. Castro nang matanong patungkol sa opisyal na assessment ng Palasyo ukol sa paglilitis.

“Ito po ay trabaho po ng mga [nasa] Senado; at definitely, ang mga taumbayan din po ay dapat din po sigurong mag-monitor para ma-assess din po nila sa sarili nila kung ano ang nagaganap sa ating bayan,” diin pa niya.

“Ang hiling naman po ng Pangulo sa lahat ng pagkakataon ay sundin ang batas at ang proseso. Sa nakikita po at nababasa rin po natin, naipapakita naman na nagiging maayos po ang daloy ng hearing sa Senado,” pagtatapos ni Usec. Castro.

Isinagawa ang unang tatlong araw ng impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo mula noong Lunes, Hulyo 6 hanggang noong Miyerkules, Hulyo 8.

Hindi dumalo si VP Sara sa mga nasabing araw; ngunit tumungo ito sa Senado noong Martes, Hulyo 7, upang suportahan ang kaniyang defense team.

KAUGNAY NA BALITA: 'Hindi siya cheerleader!' Ridon, binira pagpapakita lang ni VP Sara para sa defense-Balita

Nakisaya rin siya sa ika-65 Patronal Fiesta ng Mother of Perpetual Help at ika-18 Araw ng Bigaan sa lalawigan ng Surigao del Sur noon namang Miyerkules, Hulyo 8.

MAKI-BALITA: Sa gitna ng impeachment trial: VP Sara, dumalo sa isang pistahan-Balita

MAKI-BALITA: VP Sara dedma sa impeachment trial, nagtanim ng puno!-Balita