Masayang nakipiyesta si Vice President Sara Duterte sa ika-65 Patronal Fiesta ng Mother of Perpetual Help, at nakiisa sa ika-18 Araw ng Bigaan sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Saad ng Pangalawang Pangulo sa isang pahayag niya sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Hulyo 8, natutuwa siyang maimbitahan at makisaya sa nasabing mga kaganapan.
“Nagagalak tayo na maimbitahan at makisaya ngayong araw kasama ang ating mga kababayan mula sa Barangay Bigaan, bayan ng Hinatuan, Surigao del Sur, sa mismong selebrasyon ng 18th Araw ng Bigaan at 65th Patronal Fiesta ng Mother of Perpetual Help,” saad ni VP Sara.
Aniya, “Kasabay ng selebrasyon, nakiisa rin tayo sa isinagawang tree planting activity sa loob mismo ng Bigaan National High School, kasama ang ilang mga kawani ng Department of Education.”
“Gikalipay nako nga mahimamat ug personal nga makumusta ang atong mga kaigsuonan sa Hinatuan. Daghang salamat sa inyong imbitasyon ug mainitong pagdawat kanamo,” dagdag pa niya.
Ikinakasa ngayong Miyerkules, Hulyo 8, ang ikatlong araw ng impeachment trial ni VP Sara sa Senado—magmula nang ito ay simulan noong Lunes, Hulyo 6.
Wala pang dinadaluhan sa nagdaang tatlong araw ng paglilitis si VP Sara.
Gayunpaman, lumitaw sa Senado ang bise presidente noong Martes, Hulyo 7, hindi para daluhan ang impeachment trial—bagkus para magpakita ng suporta sa kaniyang defense team.
KAUGNAY NA BALITA: 'Hindi siya cheerleader!' Ridon, binira pagpapakita lang ni VP Sara para sa defense-Balita