July 23, 2026

Home FEATURES

'Send nudes!' Pwede bang kasuhan ang nagpakalat ng sensitibong video, larawan?

'Send nudes!' Pwede bang kasuhan ang nagpakalat ng sensitibong video, larawan?
Photo Courtesy: Pexels

Ipinagdiriwang taon-taon ang National Nude Day pagsapit ng ika-14 ng Hulyo. Layunin nitong isulong ang konsepto ng body positivity, pagtanggap sa sarili, at naturist na pamumuhay.

Pinaniniwalaang nagsimula ito sa New Zealand noong 2000 ngunit kalaunan ay ipinagdiriwang na rin sa iba’t ibang panig ng bansa. 

Ngunit magiging negatibo na ang dating ng nudes kung nagagamit na ito bilang anyo ng pananamantala o kaya ay may elemento ng pamimilit. 

Sa panahon na digital na halos lahat, tila karaniwan na lamang ang pagpapasahan o pagpapadala ng mga hubad na larawan ng mga magkakarelasyon sa isa’t isa, lalo na kung magkalayo.

Tila pinadali ng internet kung paano mapapawi ng magkakasintahan ang kanilang pananabik. Ngunit sa kabilang banda, may panganib ding kaakibat ang ganitong bagay. 

#BalitaExclusives: 'Wala namang kaluluwa 'yong AI:' Artist Leandro Reyes, tagilid sa AI sa paglikha ng tula!

Posibleng maging madali na ring malagay sa kontrobersiya at eskandalo ang isang tao, partikular ang babae, kapag kumalat ang dapat sana ay pribado niyang larawan o video.

Sa ganitong sitwasyon, maaari bang maghabol ang biktima sa tao na sinadyang ipakalat ang mga pribado video at larawan nang walang permiso?

Ayon sa Women and Children Cybercrime Protection Unit, labag umano sa Republic Act No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang pagpapakalat at pagkuha ng pribadong pictures at videos nang walang pahintulot.

Ang karampatang parusang ipapataw sa sinomang lalabag sa nasabing batas ay makukulong nang hanggang pitong taon at magmumulta ng hanggang  ₱500,000.

Pero kung sa internet o social media na-leak ang pribadong videos at pictures, mas mabigat na kaso umano ang naghihintay. 

Papatak na raw kasi ito sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. Sa ilalim nito, aabot sa 12 taong pagkapiit ang ipapataw na parusa sa suspek.

Samantala, kung menor de edad naman ang nabiktima, maituturing na umano ito bilang child sexual abuse material. 

Tinatayang hanggang dalawang dekadang pagkakulong ang parusang ipapataw sa suspek na kumuha ng sensitibong picture o video ng bata.

Bukod sa pagkakapiit, pagmumultahin din ng hanggang ₱2,000,000 ang suspek.