BAMBOL vs Clint. ‘Team Performance’ laban sa ‘Team Pagbabago’.
Nakasentro kina incumbent POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino at dating GSIS chairman Jesus Clint Arenas ang labanan para sa pagkapangulo ng Philippine Olympic Committee.
Idineklara ni POC Comelec Chairman G. Teodoro Kalaw IV ang opsiyal na kandidatura ng dalawa matapos ang deadline kahapon para sa pagsumite ng kandidatura sa mga posisyon sa National Olympic body. Nakatakda ang election sa POC sa Nobyembre 27.
Sa magiging desisyon ng may 51 national sports association (NSA) posibleng maipagpatuloy ni Tolentino ang liderato sa susunod na apat na taon o sasabak ang Team Philippines sa Tokyo Olympics sa Agosto na may bagong POC president.
Hangad ni Tolentino, presidente ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) na maipagpatuloy ang pamamalakad sa POC matapos mahalala may dalawang taon na ang nakalilipas matapos ang sopresang pagbibitiws ni basketball chairman Ricky Vargas.
Si Aranas naman ay ang kasalukuyang presidente ng World Archery Philippines(WAP).
Bukod sa dalawa, tatakbo rin si incumbent chairman Steve Hontiveros, presidente ng Philippine Handball Federation para sa panibagong termino sa parehas ding puwesto at makakatapat niya dito si Triathlon Association of the Philippines president Tom Carrasco.
Maglalaban naman para sa puwesto ng first vice president sina athletics chief Philip Ella Juico at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio habang magtatapat naman para sa pagka second vice president sina Richard Gomez ng fencing at Ada Milby ng rugby.
Sina Julian Camacho ng wushu at Cynthia Carrion ng gymnastics ay magtatapat naman para sa pagka treasurer, habang sina Chito Loyzaga ng baseball at Monico Puentevella ng weightlifting ang maghaharap para sa puwesto ng auditor.
Samantala, maglalaban-laban naman para sa apat na upuan sa board sina Robert Bachmann ng squash, Jose Raul Canlas ng surfing, Dave Carter ng judo, Charlie Ho ng netball, Pearl Managuelod ng Muay Thai, Robert Mananquil ng billiards, Surigao Del Sur Representative Prospero Pichay ng chess at Jeff Tamayo ng soft tennis.
-Marivic Awitan