Mga Laro Ngayon

(AUF Gym -Angeles City, Pampanga)

4:00 n.h. -- Northport vs Magnolia

6:45 n.g. -- San Miguel vs Barangay Ginebra

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

MAKASOSYO sa ikatlong puwesto ang tatangkain ng sister team San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa tampok na sagupaan ngayon sa double header ng 2020 PBA Philippine Cup restart sa Pampanga.

Ganap na 6:45 ng gabi ang salpukan ng Beermen at ng Kings kasunod ng unang tapatan sa pagitan ng Northport at Magnolia ganap na 4:00 ng hapon.

Magkasalo ngayon sa ikatlong puwesto sa team standings ang Ginebra at San Miguel taglay ang parehas na markang 4-2 kasalo ng Phoenix Super LPG.

Matapos ipanalo ang una nilang apat na laro, sumadsad ng dalawang beses ang Kings, pinakahuli nitong Martes sa kamay ng Rain or Shine,82-85.

Sa kabilang dako, nagposte naman ng tatlong dikit na panalo ang reigning five-time champion San Miguel kasunod ng dalawang sunod na talo sa loob ng bubble.

Huling iginupo ng Beermen sa kabila ng pagkakaroon ng pilay na roster dahil sa pagkaka-sideline nina Junemar Fajardo at Terrence Romeo ang Meralco Bolts noong nakaraang Miyerkules sa iskor na 89-82.

Mauuna rito, magkukumahog namang umangat mula sa kinalalagyang lower 4 ng standings ang Batang Pier (1-4) at Hotshots (2-4) upang patuloy na buhayin ang tsansa nilang umabot ng quarterfinals.

Kapwa tatangkaing bitbitin ng dalawang koponan ang nakuhang momentum sa naitalang panalo sa nakaraan nilang laro, ang Batang Pier kontra Terrafirma Dyip, 107-96 noong Sabado at ang Hotshots kontra Ginebra sa nakaraang Bubble Classico noong Linggo sa iskor na 102-92.

-Marivic Awitan