GINULAT ang mga netizens nang biglang mag-post na ang GMA Entertainment Group na nagbalik-taping na pala ang cast ng Bilangin ang Bituin Sa Langit na nagtatampok kina Superstar Nora Aunor, Mylene Dizon, at Kyline Alcantara, kasama rin sina Zoren Legaspi, Ina Feleo, Yasser Marta, sa direksyon ni Laurice Guillen.
Noon pa kasing nagsimula nang isa-isang nagbalik ng lock-in taping ang mga teleserye ng GMA Network, marami nang nagtatanong kung kailan daw naman babalik ang cast ng Bilangin ang Bituin sa Langit?
At nitong Huwebes, Oktubre 22, ay sumabak na nga sa trabaho ang cast and crew ng serye sa ‘new normal’ lock-in taping sa location nila sa San Mateo, Rizal.
Kita ang maingat na pagsunod ng buong team sa safety protocols gaya ng social distancing at pagsuot ng tamang protective gear. Kahit sa pagre-rehearse ng kanilang mga linya ay nakasuot pa rin ng face mask ang cast at tinatanggal lamang ito kapag kukunan na ang eksena nila, at si Direk Laurice kahit mag-isa lamang siya sa OB van ay naka-face mask din.
Abangan ang pagbabalik-telebisyon ng story nina Cedes (Nora), Nolie (Mylene) at Maggie (Kyline) sa Bilangin ang Bituin sa Langit sa GMA Afternoon Prime.
-NORA V. CALDERON