July 19, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Sigaw ng teacher-content creator sa DepEd: 'Bigyan n'yo kami ng legit resources!'

Sigaw ng teacher-content creator sa DepEd: 'Bigyan n'yo kami ng legit resources!'
Photo courtesy: Screenshot from unfilteredlifeofkarla (FB)/MB File Photo

Nananawagan sa Department of Education (DepEd) ang isang guro at content creator na agarang maglaan ng standard at lehitimong learning resources para sa mga gurong nagtuturo ng mga bagong asignatura ngayong school year, na may tatlong terms.

Sa isang TikTok video, ibinahagi ng gurong si "Teacher Karla" ang hinaing ng maraming mga guro na umano'y nahihirapang maghanap ng maaasahang learning resources para sa kanilang mga leksiyon.

"Dear DepEd, please pakinggan n'yo po kaming mga teachers, balikan n'yo po itong vlog ko, ipinost ko po ito sa Blue app, makikita n'yo po roon, iisa ang sigaw ng mga kapwa ko guro," aniya.

"Kailangan po namin ng standard at legit resources lalo na po sa mga bagong subject na ino-offer ngayong school year. Please pakinggan n'yo po kami. Nahihirapan po kaming maghanap," dagdag pa niya.

Ayon sa kaniya, masuwerte lamang siya dahil bilang content creator ay napansin siya ng isang publishing house na nagbigay sa kainya ng mga aklat na maaari niyang gamitin sa pagtuturo.

Human-Interest

Mga kantang hindi nawawala sa karaoke ng mga Pinoy

Gayunman, sinabi niyang hindi lahat ng guro ay may parehong oportunidad.

"Very lucky lang ako that I am a content creator, napakinggan ako ng isang publishing house, binigyan niya ako ng mga libro, pero paano naman po yung ibang teachers na walang ganitong platform, hirap na hirap po silang humanap, pagbali-baligtarin ang internet, ang mga puwedeng hanapan ng resources."

"Sana po meron tayong mga textbook lalo na sa mga bagong subjects na ito, na standard at naka-align sa curriculum, para yung teaching din namin is standard din. Para parehas kami, hindi yung kaniya-kaniya kaming hagilap at hanap ng resources, Please."

Ipinaliwanag pa ng guro na bagama't maraming materyales na matatagpuan sa internet, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng iisang standard reference na nakaayon sa curriculum ng DepEd.

Nanawagan din siya sa DepEd na magbigay ng mga textbook at iba pang opisyal na learning materials para sa mga bagong asignatura.

"Please, sana mapakinggan tayo ng DepEd, please, give us resources, kung wala pa po kayong naka-prepare na resources, mayroon naman pong mga private publishing house, sana kahit mga teachers na lang ang magkaroon, tapos kami nang bahalang magdistribute sa mga bata kung paano namin sila mabibigyan ng kopya. At least meron lang kaming standard resources," aniya.

ANO ANG TEACHING AT LEARNING RESOURCES?

Ang tinutukoy na mga “resources” ay mga opisyal na kagamitang panturo tulad ng textbooks, worktexts, teacher's guides, learning modules, activity sheets, at curriculum-aligned reference materials na nagsisilbing pangunahing batayan ng mga guro sa pagbuo ng kanilang mga aralin, pagsusulit, at iba pang mga kagamitan para matamo ang pagtuturo at pagkatuto ng learners o mag-aaral.

Sa kasalukuyan, marami umanong guro ang umaasa sa iba't ibang online sources at sariling sikap na paghahanap ng materyales, bagay na maaaring magresulta sa pagkakaiba-iba ng nilalaman ng mga araling itinuturo sa mga mag-aaral.

Dahil dito, umaasa ang mga guro na mabibigyan sila ng DepEd ng sapat at istandardisadong learning resources upang mas maging maayos, pare-pareho, at epektibo ang pagtuturo sa mga paaralan sa buong bansa.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang DepEd tungkol dito.