“Tonight, she wasn’t just my mom, she was that same beautiful girl.”
Ito ang napagtanto ng isang anak at concert-goer sa ginanap na reunion concert ng Taiwanese boy band, F4, noong Sabado, Hunyo 27, habang pinanonood niyang mag-fan girl ang kaniyang ina.
Sa Facebook post ng anak at concert-goer na si Kath, ibinahagi niyang sumama lang siya sa concert para may makasama ang kaniyang ina na si Karen, ngunit habang tila lahat ng tao sa audience ay nakatuon ang atensyon sa F4, nakatingin daw siya sa kaniyang ina.
Dito ay na-realize niyang fan na ng boy band ang ina bago pa man siya ipanganak, 20 taon na ang nakalipas, at saktong pagtungtong niya ng 20-anyos ngayong taon, nakapunta ng reunion concert ang ina.
Sa mga salitang ibinahagi ni Ashin, na isa pa sa performers na kasama ng F4, sumasang-ayon si Kath na karamihan sa fans ng F4, ay nagsimula sa pagkabata hanggang sa maging ina, ngunit sa gabi ng concert, muli silang bumalik sa kanilang kabataan.
“Sumama lang talaga ako sa concert para may kasama si Mama pero habang nakatingin lahat sa F4, ako nakatingin kay mama. Fan na siya bago pa ako pinanganak and after 20 long years, naka-attend na siya, saktong 20 years old na din ako this year, totoo nga yung sinabi ni Ashin kanina sa concert na whether you went from a little girl, to a lady, to a woman, then to a mother, tonight, you’re a beautiful young girl,” ani Kath.
“Tonight, she wasn’t just my mom, she was that same beautiful girl who fell in love with their music two decades ago,” dagdag pa ni Kath.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Kath, ibinahagi niyang 10/10 ang kanilang naging concert experience sa “F Forever” reunion ng F4 sa Philippine Arena dahil bukod sa magandang energy ng audience at top-tier performance, tila naging “time traveling” experience ito, lalo na para sa ina.
“My mom and I have the same answer, overall experience po is 10/10. Sobrang ganda ng energy ng crowd, ng lights, and lalo na po yung performances, top-tier na kahit ako po na wala sa era na ‘yon is nag-enjoy. It exceeded all our expectations and the atmosphere was just magical, sabi nga po ni mama, watching it feel like traveling back in time. It is a night we will always cherish,” ani Kath.
Dagdag pa ni Kath, para sa ina, bagama’t hindi kumpleto ang F4 noong Sabado, malaking bagay pa ring natuloy ang reunion ng F4 dahil nanumbalik dito ang mga alaalang nagpasaya sa kaniya, ilang dekada na ang nakakaraan, na nagparamdam din sa kaniya na tila siya si Cinderella sa gabing ito.
“Sabi po ni mama, very important daw po dahil bumabalik ang unity ng F4. Wala nga lang daw po si Ken sa hindi niya alam na reason pero ang mahalaga daw po ay natuloy ang F4 Reunion. Bumabalik daw po ang memories niya decades ago na nagpasaya sa kaniya, feeling Cinderella din daw po siya nung gabi na yun,” ani Kath.
Para naman mismo kay Kath, importante rin ang concert dahil nagsilbi itong tulay upang magkonekta ang “era” o panahong kinabibilangan niya ngayon at ng ina, na nakatulong din upang maging “shared memory” nila na hindi nila malilimutan.
“As for me naman po, importante po siya dahil naging bridge po yung concert para mag-connect yung eras naming dalawa ng mama ko. Nagkaroon po kami ng shared memory na hinding-hindi po namin malilimutan, it wasn’t just a concert to us, it bridged a generational gap din po between us, it was a celebration of my mom’s youth that I finally got to witness,” saad ni Kath.
Nang tanungin naman ng Balita si Kath sa naramdaman niya habang pinapanood ang ina sa kasagsagan ng concert performances, inilarawan niya ito bilang “surreal” dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niya ang batang bersyon ng ina.
Sa pagkakataong ito, nakita niya ang sarili sa ina.
“It feels surreal. Siyempre po, mas kilala ko siya as my mom kasi mother ko po siya pero that night po, I saw her younger self. I realized na my mom is just like me,” kuwento ni Kath.
“Sobrang saya ko po na makitang masaya yung mama ko, para po kaming nag-meet in the middle. Before po kasi, naiisip ko baka hindi niya ako nage-gets sa mga fangirling ko sa mga groups ngayon pero gets na gets po pala ako ni mama. Na-experience din po niya yung nae-experience ko and masaya po ako doon,” aniya pa.
FANGIRL LIFE
Ikinuwento naman ni Karen sa Balita na 23 taon na siyang fan ng F4 at bago pa man naipapalabas ang Taiwanese hit TV series na Meteor Garden, pinanonood na niya ang Taiwanese version nito gamit ang DVD na mayroong subtitles.
“23 years na akong fan since 2003 hanggang sa present. Hindi pa siya noon aired sa TV, fan na ako ng Taiwanese version gamit yung DVD copy na may subtitle. Di na mabilang kung ilang ulit ko siyang pinanood nang paulit-ulit hanggang madaling araw,” pagbabalik-tanaw ni Karen.
Nang tanungin kung sino ang kaniyang bias o paboritong miyembro ng F4, ibinahagi ni Karen na si Jerry Yan ang kaniyang idol sa boy band.
Aniya pa, maliban sa ipinamalas na husay ng F4 sa pag-arte, magaganda rin daw ang boses ng mga ito sa pagkanta at maituturing na rin niyang “plus factor” ang pagiging gwapo nila.
“Si Jerry Yan talaga ang aking pinaka-idol sa kanilang lahat. Maliban sa galing nila mag-acting sa Meteor Garden, mga magaganda din ang boses nila at plus factor din na ang popogi talaga nila,” ani Karen.
Sa pagtatapos ng panayam, ang maituturing naman ni Karen na “fondest memory” tuwing nanonood siya ng Meteor Garden noon ay pumapasok siya sa trabaho nang may malalaking eyebags dahil lagi raw siyang napupuyat.
Dahil dito, pabiro raw siyang pinagtatawanan sa trabaho dahil sa kaniyang eyebags.
Bukod pa rito, tinabi rin daw niya sa kaniyang kama ang malaking poster ni Jerry Yan upang batiin tuwing pagkagising sa umaga.
Sa kasalukuyan pa, dahil sa pagka-miss sa mga alaalang ito, mayroon pa siyang mga naitagong DVD copies ng Meteor Garden.