July 15, 2026

Home FEATURES Trending

1 bata inutong maghubad, tumalon kapalit ng 'trophy' sa Roblox!

1 bata inutong maghubad, tumalon kapalit ng 'trophy' sa Roblox!
Photo courtezy: Shiela Nanquil

Viral ngayon sa social media ang inupload na video ng inang si Shiela Nanquil kaugnay sa nabisto niyang pinapagawa ng isang misteryosong player ng larong Roblox sa kaniyang anak na si Shankz. 

Ang Roblox ay isang global online platform at game creations system na patok ngayon sa kabataan dahil maaari silang makapaglaro at makalikha ng mga 3D games na kadalasang may genre na role-playing, obstacle courses, puzzle games, at iba pang viral games na nakaangkla madalas sa viral events. 

Sa video ni Shiela na ibinahagi niya sa Facebook noong Sabado, Hunyo 27, 2026, mapapanood ang masinsinang pakikipag-usap niya sa anak niyang si Shankz kaugnay sa pag-uutos daw ng kalaro ng bata na maghubad, tumakbo, at tumalon ito kapalit ng tropeo sa naturang laro. 

“Naghubad ka ng shorts mo tapos nag-run ka ‘di ba? Ano ‘yon, bakit ka naghubad ng shorts mo, bakit?” tanong ni Shiela sa kaniyang anak. 

Sagot ng bata, “Napa-task sa akin. Napa-task. [Sa] Roblox." 

Trending

Pagpupurga, delikado nga ba?

Screenshot mula sa post ni Shiela. 

Nang matanong ni Shiela si Shankz kung ang inutos ng kalaro ng bata, sinabi ng kaniyang anak na inutusan daw siya ng kalarong niyang may username na “James 489” na maghubad at tumalon ng ilang mga beses para mabigyan siya ng “trophy” at maipasok sa “next stage” ng laro. 

“So meron kang task sa Roblox na anong pinapagawa sa iyo? Sino ’yong nagpa-task sa iyo?” ani Shiela. 

“Maghubad at saka magtatalon. Si James. James 489,” pag-amin naman ni Shankz. 

Dagdag naman ng ina, “Kapag nagawa mo ‘yong task na maghuhubad ka at tatalon ka, anong mangyayari?” 

“Trophy at saka next stage,” anang bata.

Matapos nito, mapapanood sa video na parehas nang naging emosyonal ang mag-ina dahil sa nangyaring tila panloloko ng player na si “James 489.” 

Pinayuhan naman ni Shiela ang kaniyang anak na si Shankz na huwag daw itong matakot at magpasalamat na lang sila dahil ‘yon pa lang daw ang pinagawa ng misteryosong player sa bata. 

“Natatakot ka? Natatakot ikaw? Buti ‘yon pa lang ‘yong pinapagawa sa iyo, anak. Huwag ka nang matakot. Ide-delete natin ‘yong roblox, okay?” 

Sa pagpapatuloy ng video, aktuwal na ipinakita ni Shiela ang pagbubura o pagde-delete nila ng larong Roblox sa cellphone ni Shankz upang hindi na muli pang mangyari ang sinapit ng huli. 

Sa kasalukuyan, umabot na sa 4.9 million views at umani na ng 35.7K reactions ang naturang post ni Shiela. 

MAKI-BALITA: CICC, pansamantalang ipagbabawal ang ‘GoreBox’

MAKI-BALITA: ‘Mananagot din sila!’ Sen. Risa, nadismaya sa pagtanggi ng GoreBox developer