July 23, 2026

Home FEATURES Balitang Pag-Ibig

#BalitaExclusives: Same sex parenting, mahirap ba sa bansang ilegal ang same sex marriage?

#BalitaExclusives: Same sex parenting, mahirap ba sa bansang ilegal ang same sex marriage?
Photo courtesy: Arven Parafina (FB)

Sabay na ipinagdiriwang sa buwan ng Hunyo ang mga selebrasyong Pride Month at Wedding Month bilang pagpupugay para sa mga indibidwal na miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ at pagsusulong ng kulturang nagbubuklod sa pagmamahal ng bawat magkarelasyon sa pagiging sagrado ng isang kasal. 

Ngunit nalilimitahan ba ang pagmamahal ng paniniwalang ang lalaki ay para lamang sa babae at ang kasanayang ang magulang ay para lamang sa mga ama at ina? 

Paano kung magmahal ang straight ng isang gay? O ang gay ng isang lesbian? O ang isang bisexual sa isang transgender? O ang transgender sa isang queer? At iba pang porma ng pagmamahal at pakikipagrelasyon sa kasalukuyang panahon. 

Paano kung ang maging magulang ng isang bata ay parehas na daddy at tatay? O mommy at nanay? 

Sa kabila ito ng ipinag-uutos sa Section 1 ng Family Code of the Philippines (Executive Order No. 209), na tanging ang lalaki at babae lang ang maaaring magkaroon ng special contract ng isang permanenteng unyon o pagpapakasal. 

Balitang Pag-Ibig

'No money, no honey!' Bawal kang mag-jowa kung wala kang pera, bakit?

“Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life…” 

Dahil dito, nananatili pa ring hindi legal sa bansang Pilipinas na magpakasal ang mga magkarelasyong may parehong kasarian. Ngunit sa ibang mga bansa partikular sa Estados Unidos, Canada, Mexico at marami pang iba, legal na ang same sex marriage para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. 

Gaano nga ba kahirap ang same sex parenting o pagiging Queer parents sa bansang ilegal ang same sex marriage? 

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa pampublikong guro na si Sir Arven at sa partner niyang private teacher na si Sir Ikel mula Atimonan, Quezon, ikinuwento nila ang kanilang mga danas sa loob ng mahigit 16 na taon ng kanilang relasyon at pagkakaroon nila ng anak na si Kalix. 

Batay kina Sir Arven at Sir Ikel, hindi raw nila inaasahan noong 2017 na darating sa kanilang buhay ang batang si Kalix dahil plano lang daw naman nila noon na mag-alaga ng pets. 

“It was unplanned. We are planning naman pero unexpectedly ‘yong pagdating no’ng baby namin,” pagsisimula ni Sir Arven. 

Pagkukuwento ni Sir Arven, lumaki daw siya sa isang broken family at namatay daw ang kaniyang ama noong Grade 5 siya kagaya ng sinapit din ng tatay ng kaniyang partner na si Sir Ikel. 

Kaya raw naging dahilan nila na hindi magaya sa bubuuhin nilang pamilya ang sinapit nila noon bilang mga bata. 

Photo courtesy: Sir Arven & Sir Ikel.

Photo courtesy: Sir Arven & Sir Ikel. 

Tindig nina Sir Arven at Sir Ikel, pumapabor daw sila na maging legal ang same sex marriage sa Pilipinas lalo na raw at nakikita nilang nagpapakasal na ang ilan sa kanilang mga kaibigan ngayong buwan ng Hunyo at kapag pinalad daw sila na makaluwag-luwag o pumaldo sa kanilang pagiging content creator sa social media. 

“Dahil nga hindi siya legal here in the Philippines, we are planning na siguro magpakasal kapag nakaluwag-luwag kami or palarin na pumaldo sa pagiging content creator namin [bilang] Rainbow Fam. siguro abroad. I am praying na sana maging legal na siya sa Pilipinas kasi ina-adopt na rin naman ng iba’t ibang mga bansa,” ani Sir Arven. 

Saad naman ni Sir Ikel, “I’m in favor naman na magkaroon dito ng legalization sa same sex marriage. Mostly kasi sa mga nakikita ko ngayon, naoobserbahan ko na kahit na hindi ka nasa perpektong sitwasyon or normal na relationship like mom and dad, puwedeng puwede ka pa rin maging isang responsable at mabuting parent.” 

Pagbabahagi pa nila, sobrang naging mahirap daw para sa kanila ang maging Queer parents dahil iba raw ang pagtrato sa kanila ng ibang mga tao lalo na raw noong pumasok si Kalix sa isang Catholic school.

“Dahil hindi siya legal, iba ‘yong treatment ng ibang parents lalo na no’ng nag-aaral na si Kalix,” ani Sir Arven.

“Parang na-bash kami. Ang pinakang naapektuhan at sobrang sakit sa puso is our son kasi ‘yong mga classmates niya, asking about his parents. ‘Bakit puro tatay? Bakit puro daddy ‘yong nasundo sa iyo, na-attend ng meeting? Wala ka bang mommy?’ Sobrang bigat,” pagkukuwento niya. 

Dagdag pa niya, “We feel accepted pa rin kasi welcome pa rin naman kami sa mga PTA meetings, sa mga school activities, kahit may naririnig kami minsan na ‘Bakit ‘yan ina-allow sa private school?’ Tapos ‘yong tattoo namin. We are judged talaga. Although we are both professional na.” 

Dahil dito, nagdesisyon umano sila na ilipat si Kalix sa pampublikong paaralan at medyo naging mas maluwag daw sa pakiramdam nila ang naging paglipat ng eskwelahan ng kanilang anak. 

Bahagi naman ni Sir Ikel, may pagkakataon daw na naririnig niya sa ibang mga ina ang tila pagkatuwa ng mga ito dahil siya ang kasama ng anak nilang si Kalix sa halip na ang “nanay” raw ng bata kapag nagpupunta sila sa Rural Health Unit (RHU) upang palagiang ipakonsulta ang kalagayan ng kaniyang anak. 

“One time, si totoy kasi kumpleto siya sa mga check up everytime na pupunta ako sa mga RHU, ang sasabihin ng ibang mga nanay na ‘Wow, ang suwerte naman ng batang ito kasi ang kasama ay tatay!’ Parang nakaka-overwhelmed,” aniya. 

Dagdag pa ni Sir Ikel, “As time as goes by naman, ang pagiging parent naman pala, kahit nasa normal at third world community ka, parang napaka-heavy na responsibility. Ini-ignore ko na ‘yong sinasabi ng ibang mga tao as long as si totoy ay napapalaki namin nang mahusay. Kasi family oriented talaga si Kalix.” 

Ani Ikel, nararamdaman naman daw niya kung tanggap sila ng isang komunidad kaya dinadala na lang daw niya madalas ang kaniyang anak sa simbahan o iba pang lugar na magiging masaya sila kahit sila lang ang magkasama 

Nilinaw naman ni Sir Ikel na marami daw komunidad sa bayang kanilang tinitirhan ang tanggap sila sa kung sino at anong klase silang pamilya.

Diin ni Sir Ikel, may ilan lang daw talagang mga komunidad, partikular ng mga Catholic school, ang medyo hindi pa tanggap ang uri ng kanilang pamilya kaya raw sila na ang gumagawa ng paraan sa mga ganitong klaseng problema. 

Pagpapatuloy naman ni Sir Arven, sigurado raw siyang hindi pa lubos na naiintindihan ng anak nilang si Kalix ang pagkakaroon nito ng Queer parents kaya raw alam niyang kinakailangan ng mas mahabang panahon para ipaintindi sa kanilang anak ang uri ng kanilang pamilya. 

“It takes time ‘yong process. Ngayong eight years old na siya, I know na hindi pa ‘yon ‘yong end na naiintindihan na niya lahat. Alam kong may mas darating pang challenge for us na Queer parents na magtatanong siyang muli.” 

Photo courtesy: Sir Arven & Sir Ikel.

Photo courtesy: Sir Arven & Sir Ikel. 

Saad ni Sir Arven, titiyakin daw nilang hindi sila mawawalan ng oras o magkukulang ng pagmamahal para kay Kalix upang hindi makaramdam ang bata ng kakulangan mula sa kanila bilang Queer Parents. 

Mariin namang ipinaalala nina Sir Arven at Sir Ikel na higit na mas kailangang magkaroon muna ang bawat magkarelasyon ng financial stability, financial freedom, at mental health stability bago bumuo o pumasok sa buhay pagpapamilya. 

“Kung kamalasan talaga ang pagiging bahagi ng LGBTQIA+, bakit niya kami binigyan ng isang mahusay, mapagmahal, at mapag-unawang anak. At ginawa niya talagang makulay ang buhay naming Rainbow Fam,” diin ni Sir Arven.