Umapela sa publiko ang Department of Education (DepEd) na tigilan na ang pag-uugnay ng ilang mga insidente ng suicide o pagpapakamatay ng mga estudyante sa ipinatutupad nilang distance learning at paggamit ng modules.

Kasabay nito, binalaan din ng DepEd ang publiko laban sa ilang indibidwal at mga grupo na ginagamit ang mga naturang insidente upang siraan ang kanilang pagsusumikap para sa patuloy na mabigyan ng edukasyon ang mga kabataan sa kabila ng patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Nais naming ipanawagan na itigil ang pagkonekta nito sa mga modyul o sa distance learning,” anang DepEd, sa isang pahayag kahapon.

“Binabalaan din namin ang publiko sa mga grupo o indibidwal na ginagamit ang mga nasabing insidente upang siraan at isantabi ang mga pagsisikap ng Kagawaran,” anito pa.

National

Sen. Go, ibinahagi pakikipagkita nila ni Ex-Pres. Duterte kay INC leader Manalo

Kaugnay nito, tinukoy din naman ng DepEd ang ulat ng mga awtoridad at ng mga sangkot na pamilya na wala sa alinmang insidente ng suicide ang napatunayang may kinalaman sa distance learning sa bansa.

Nagpaabot din naman ang DepEd ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga guro at mga estudyante na sangkot sa naturang nakalulungkot na pangyayari.

-Mary Ann Santiago