Isa pang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang naghain ng courtesy resignation.
Ito ang kinumpirma ni PhilHealth spokesperson Rey Baleña na nagsabing nasa 44 na ang lahat ng opisyal ng PhilHealth na nagbitiw sa tungkulin.
Gayunman, hindi na tinukoy ang pangalan ng pinakahuling opisyal na nagbitiw sa posisyon.
“As of late, ang una nating naipahayag ay 43 na. Nadagdagan ‘yan ng isa pa na nag-file ng courtesy resignation. Lahat-lahat ‘yan ay 44 na,” ayon kay Baleña, sa panayam sa radyo.
Noong Oktubre 8, sinabi ng PhilHealth na nasa kabuuang 43 senior officers na nila ang tumugon sa direktiba ni PhilHealth chief Dante Gierran sa mga senior officers na mula sa Salary Grade 26 pataas na magbitiw sa posisyon.
Sa naturang 43 opisyal, 27 ang naghain ng resignasyon, kabilang 21 ang mula sa central office, anim ang mula sa regional offices.
May 16 naman ang magreretiro, kabilang ang 10 mula sa central office at anim mula sa regional offices.
Paglilinaw naman ni Baleña, magiging epektibo lamang ang courtesy resignations ng mga ito kung tatanggapin ito ni Gierran.
Matatandaang binalot ng kontrobersiya ang PhilHealth dahil sa alegasyon ng korapsyon sa loob ng tanggapan.
Mary Ann Santiago