Patay ang tatlo katao, kabilang ang isang magkapatid at nasugatan naman ang isa pa nilang pinsan matapos na tamaan ng kidlat habang naliligo sa dagat sa Barangay Lingsat, San Fernando City, La Union, nitong Sabado ng gabi.
Ang mga ito ay kinilala ni San Fernando City Police chief, Lt. Col. Orly Pagaduan na sina Ivan Eunicer Apayo, 18; at Tristan Apayo, 15; at pinsan na si Rhian De Guzman, 17.
Patuloy namang ginagamot sa ospital ang sugatang pinsan na si Patrick De Guzman, 21.
Sa report ng pulisya, biglang umulan sa nasabing lugar kaya nagyayaan ang magpipinsan na maligo sa kalapit na dagat, dakong 6:00 ng gabi.
Habang naliligo, biglang kumidlat at tinamaan ang tatlo na naging sanhi ng agaran nilang pagkamatay.
-FER TABOY