HINIHINTAY na lamang ang go-signal ng Inter-Agency Task Force para sa ilalargang Philippines Football League (PFL) sa pagtataguyod ng Qatar Airways sa Oktubre 24 sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.
Nakatakdang sundin ang full bubble setup kahalintulad ng sa Philippine Basketball Association na kasalukuyang idinaraos sa Clark at sa Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 2020 Presidents Cup sa Calamba,Laguna.
Ngunit sa halip na sa Cavite, ang mga koponan at match officials ng PFL ay sa Seda Nuvali hotel sa Santa Rosa, Laguna, tutuloy sa kabuuan ng kompetisyon.
Nakausap na ni PFL Commissioner Coco Torre ang mga koponan para sa mga kaukulang detalye ng kompetisyon at inaasahang lahat ay susunod sa mga itinakdang regulasyon sa bubble partikular ang paglabas sa Seda Hotel para mag ensayo o kaya’y maglaro.
Batay sa format ng kompetisyon, bawat koponan ay maglalaro ng tig-limang laro sa single round-robin kung saan ang top four teams ng standings ay maglalaban-laban sa Finals Series.
Kapag pinahintulutan na ng IATF, magtutuos sa opening day ang Azkals Development Team at ang Mendiola FC ganap na 4:30 ng hapon na susundan ng tapatan ng Stallion Laguna at Kaya FC-Iloilo ganap na 8:30 ng gabi.
-Marivic Awitan