Nagpaabot ng mensahe ng pakikiisa sa World Mental Health Day ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ of the Philippines (CBCP) at nag-alay pa ng panalangin para sa mga taong nakararanas ng suliranin sa kaisipang pangkalusugan kasabay ng nararanasang krisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Nilinaw ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, hindi lamang pangkatawan ang kalusugan, kundi maging sa kaisipan na dapat na pakaingatan at pagtuunan ng pansin.

“Kaya dapat maging maingat at maging conscious tayo kasi ito’y bahagi rin ng ating kalusugan. Madalas nakikita natin ang kalusugan natin na pangkatawan lang, kun’di pati sa ating kaisipan, may kalusugan din d’yan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Kaugnay nito, hinikayat pa ng obispo ang pag-aalay ng panalangin para sa mga taong may problema sa mental health na makatutulong para mapagaan ang kanilang mga dinaramdam.

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Iginiit ng Obispo na ang mga nag-aalay ng panalangin sa kapwa ay matutulungan ring maibsan ang pansariling karamdaman sa kaisipan.

Ang World Mental Health Day ay ginugunita tuwing Oktubre 10 upang mabigyang-pansin at magkaroon ng kamalayan ang bawat isa sa lumalalang bilang ng nakararanas ng depresyon na humahantong sa pagpapatiwakal.

Sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), umabot sa 953 ang mga tawag na kanilang natanggap noong Marso hanggang Mayo, 2020.

-Mary Ann Santiago