TILA pagod na sa paghihintay si reigning WBO bantamweight champion John Riel Casimero na matupad ang pangarap na ‘unification fight’ kontra kay Japanese star Naoya Inoue.
At kung wala pa ring kalinawan ngayong taon, plano ni Casimero na umakyat na lamang ng timbang sa super bantamweight at hamunin ang reigning WBC champion na si Luis Nery.
Nakamit ni Nery ang bakanteng titulo via unanimous decision kontra Mexican Aaron Alameda nitong Linggo sa boxing promotions kung saan napanatili rin ni Casimero ang titulo nang pabagsakin sa second round si Duke Micah.
Napapabalita rin ang posibilidad na laban kontra sa 39-anyos WBA bantamweight champion na si Guillermo Rigodeaux ng Cuba, ngunit mas interesado ang Pinoy fighter kay Nery.
“Kung ayaw talaga ni Naoya Inoue lumaban sa akin, aakyat ako kay Luis Nery para magiging four division tayo,” pahayag ni Casimero sa online session ng Philippine Sportswriters Association Forum nitong Martes.
Nakatakda sana ang laban ni Casimero kay Inoue nitong Abril 25, ngunit naunsiyami bunsod ng COVID-19 pandemic. Ngunit, imbes na ituloy, nabasura ang palano nang piliin ng Japanese na labanan si Jason Moloney sa Oct. 31 sa Las Vegas.
“Pangarap ko talaga unification pero kung takbo siya, wala na tayo magagawa diyan (May dream is to have a unification fight, but if he continues to run away then I have no choice),” sambit ni Casimero.
“Sabi ko sa kanila walang monster na takot, hindi monster yan. That’s a Japanese turtle, not a monster,” aniya.
Jonas Terrado