Napigilan ng mlitar ang planong pagpapasabog ng teroristang grupo sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu, nitong Sabado ng gabi.
Sa report ng Joint Task Force Sulu, ginagalugad ng government forces sa Jolo pier nang madiskubre ang kahina-hinalang abandonadong bagahe sa pagitan ng Harbor Master at Maritime Police Office, dakong 6:02 ng gabi.
Dahil dito, agad na ipinadala sa lugar ang K-9 sniffing dog na umupo sa nasabing bagahe, agad isinagawa ang maingat na inspection kung saan narekober ang dalawang electric blasting caps, isang rifle grenade, isang spark plug, at concrete nails.
Agad namang kinordon ng mga tropa ng 35th Infantry Battalion ang lugar.
“I commend our troops and our partners for this accomplishment. You saved the lives of the innocent people and foiled this terroristic activity of our heartless enemies,” pahayag naman ni 11th Infantry Division at JTF Sulu chief, Brig. Gen. William Gonzales.
Binanggit naman ni Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., dahil sa pinalakas na intelligence operations at ugnayan ng militar at pulisya at iba pang security agencies kaya napigilan ang planong pagpapasabog ng teroristang Abu Sayyaf Group sa Sulu.
-FER TABOY