LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Nagamit ng Los Angeles Lakers ang mahabang pahinga laban sa rumatsadang Denver Nuggets tungo sa magaan na panalo sa Game One ng best-of-seven Western Conference Finals.

Nagsalansan si Anthony Davis ng 37 puntos at 10 rebounds, habang kumana si LeBron James ng 15 puntos at 12 assists sa 126-114 desisyon nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Taliwas sa pagiging ‘slow starters’ sa naunang dalawang round sa playoffs, hataw ang top-seeded Lakers para maitala ang maagang double-digit na bentahe at mapalawig ang kalamngan hanggang third period.

Nag-ambag si Kentavious Caldwell-Pope ng 18 puntos at tumipa si Dwight Howard ng 13 puntos sa matikas na arangkada ng Lakers sa unang pagbabalik sa conference finals mula nang makamit ang huling NBA title noong 2010. Pawang kabiguan ang nalasap ng Los Angeles sa Game One laban sa Portland at Houston bago nawalis ang sumunod na apat na laro. Laban sa Denver Nuggets na dumaan sa butas ng karayom sa magkasunod na pagbangon mula sa 1-3 paghahabol laban sa Utah Jazz at Los Angeles Clippers, mas epektibo ang Lakers.

Hidilyn Diaz, Sonny Angara, nagpulong; weightlifting raratsada na sa Palarong Pambansa?

Kumana si Nikola Jokic at Jamal Murray ng tig-21 puntos para sa Nuggets, lumaro sa conference finals sa unang pagkakataon mula mabigo sa Lakers noong 2009. Nakatakda ang Game Two sa Linggo (Lunes sa Manila).