Isang mag-ama na umano’y kidnapper, ang napatay nang makaengkwentro ang pulisya matapos na manlaban habang sinisilbihan ng search warrant sa kanilang tahanan sa Teresa, Rizal, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (AKG) chief, Brig. Gen. Jonnel Estomo, ang mag-ama na sina Rodel at Romar Basi, kapwa taga-Sitio Ibabaw 2, Dulongbayan sa nasabing bayan.
Sinabi ni Estomo, ang pamilya ni Rodel ay kilala sa lalawigan dahil sa pangingidnap umano nila ng mga Indian na nagpapautang sa lalawigan.
“They are currently involved in a series of kidnapping incidents involving Indian nationals, Robbery, gun-for-hire in the area.
They are also involved in a series of Murder and Homicide case in the province of Rizal, particularly at Teresa. They are known in the area as armed and dangerous,” pahayag nito.
Nauna rito, nagtungo umano sa bahay ng mga suspek ang mga awtoridad upang isilbi sana kay Rodel ang search warrant No. 20-3523, na inisyu ni Judge Cynthia Marino-Ricablanca, Executive Judge ng Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Fourth Judicial Region, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”
Gayunman, habang papalapit ang mga awtoridad ay bigla na lang umano silang pinaputukan ng mga suspek kaya’t napilitan silang gumanti ng putok, na nagresulta sa pagkamatay ng mag-ama.
Naaresto rin naman ng pulisya ang anak na bunsong lalaki ni Rodel, na kinilalang si Rommel Basi.
Sa rekord ng pulisya, natuklasang ang mag-amang napatay ay kilala umanong ‘armed and dangerous’ sa kanilang lugar at mga gun for hire, na sangkot sa serye ng mga murder at homicide cases sa lalawigan ng Rizal, partikular na sa Teresa.
Nakumpiska umano ng mga pulis mula sa mga suspek ang isang shotgun, isang .9mm pistol, at isang Cal. 45 pistol
-MARY ANN SANTIAGO